Sunshine sa fight scenes nila ni Ryza sa 'Ika-6 Na Utos': Parang dance number lang 'yan
Bukod sa mga madramang eksena, kabilang din sa mga inaabangan ng mga manonood ang mga komprontasyon nina Emma at Georgina, na ginagampanan ng Kapuso leading ladies na sina Sunshine Dizon at Ryza Cenon.
Binibigyang-buhay ng dalawang aktres ang kuwento ng isang misis at isang kabit, na nag-aagawan sa puso ng dating mister ni Emma na si Rome, na ginagampanan ni Gabby Concepcion.
Upang magmukhang makatotohanan ang kanilang pag-aaway, pinaghahandaan daw nang husto ng dalawa ang mga eksena.
Kuwento ni Ryza sa isang Facebook Live video nitong Martes, "Kami ni Ate Shine, kapag may fight scenes, nag-uusap kami para hindi kami masyadong magkasakitan."
"Pinag-uusapan 'yan. Maraming planning, rehearsals, and everything... We also owe our stunt scenes to our very good stunt director. Thank you to Tatay Baldo... There's a lot of preparation beforehand kaya napapaganda ang bawat eksena," dugtong ni Sunshine.
Maliban sa pagiging makatotohanan, importante rin daw sa mga bumubuo ng programa na ligtas ang bawat artistang sumasabak sa maaksyong tagpo.
Inihalintulad ni Sunshine ang paghahanda nila sa confrontation scenes sa pag-eensayo sa isang dance number na metikuloso.
Paliwanag niya, "We try to do the scenes na exciting for all the audience, pero we see to it na safe kami. Parang dance number lang—may numero kaming dapat sundan... Doon na rin pumapasok 'yung very effective reactions namin, 'yung akala mo talaga tanggal-panga (ang mga sampal)."
"Action stars na kami! May sipa, suntok, and all," pabiro niya pang dugtong.
Kasama nina Sunshine, Ryza at Gabby sa "Ika-6 Na Utos," sina Mike Tan, Marco Alcaraz, Rich Asuncion, Daria Ramirez, Carmen Soriano, Mel Martinez, at Arianne Bautista.
Mapapanood ang top-rated Kapuso afternoon drama series pagkatapos ng “Eat Bulaga!" -- FRJ, GMA News