Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga bida sa 'Mulawin Vs. Ravena,' puspusan ang training para walang double sa fight scenes


Puspusan na ang pagsasanay ng mga Kapuso star na makakasama sa upcoming Kapuso primetime series na "Mulawin Vs. Ravena" para paghandaan ang gagawin nilang matinding fight scenes.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago, ipinakita na literal na pawis ang puhunan ng mga Kapuso young star  na sina Derrick Monasterio, Kiko Estrada at Bea Binene nang sumalang sila sa sword training para sa nabanggit na fantaserye.

Aminado si Derrick na hindi madali ang ginagawa nilang pagsasanay para maging mahusay sila sa paggamit ng  espada .

"Ang roles namin dito, most of us kailangan mag-sword, kailangan sanay," anang aktor.

Kahit mahirap, excited na raw sina Bea at Kiko sa bago nilang proyekto.

"Na-e-excite ako, nag-e-enjoy ako. Kasi ano po eh, 'di ba ang tagal kong hinintay, gusto ko nang action," ayon kay Bea.

Sabi naman ni Kiko, "Sobra po kasing nakaka-bond po kami nina Kuya Dennis [Trillo], nina Bea, Derrick sa buong cast. It's our chance to bond and siyempre, physical activities po para sakto na 'yung katawan namin pagdating ng taping."

Malaking bagay daw na nagwu-wushu si Bea at nagba-basketball naman si Derrick para sa stamina at mas madali nilang makuha ang mga itinuturo sa kanilang sword fight at footwork.

Paliwanag ni Derrick sa kung ano ang mahirap na bahagi ng pagsasanay para sa kaniya; "Yung steps, 'yung footing mo. Pero 'pag nakuha mo na yung footing, madali na lang lahat."

Magiging malaking hamon daw sa kanila ang bilin ng direktor ng serye na si Dominic Zapanta.

"Ang challenging dito, kasi si Direk Dom, sinabi niya talaga na ayaw niya ng double. So ito, lahat kami [ang] gagawa [ng fight scenes]," ani Bea. -- FRJ, GMA News