Eula Valdes: 'Abangan nila kung anong lagim ang ihahasik ni 'Avria' sa 'Encantadia'
Marami ang nasorpresa at natuwa matapos ianunsyo na ang batikang aktres na si Eula Valdez ang gaganap bilang "Avria" sa "Encantadia."
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing hindi lang ang mga karakter na balik-Encantadia ang inabangan ng 'enkantadiks,' kung hindi maging ang mga bagong magsisiganap sa mga orihinal na tauhan ng fantaserye.
Isa na rito si Avria—ang maganda, matapang at malupit na sinaunang reyna ng Etheria.
Sa episode ng "Encantadia" nitong Miyerkules ng gabi, ipinakilala na si Eula bilang si Avria.
"Siyempre excited ako kasi ito yung mga hilig ko [na] mga costume-costuman, yung makakapal na hair na kulot. Excited ako 'pag ganito ang mga role," pahayag ng aktres.
Ayon kay Direk Mark Reyes, tanging si Eula lang umano at wala nang iba pang artista ang nararapat at pinakatamang gumanap bilang si Avria.
Tiwala naman ang enkantadiks na madadala ni Eula ang sa role bilang si Avria.
Nang malaman umano ni Eula na mapapasabak din siya sa mga fight scene, kumuha siya ng espada sa kaniyang mga koleksyon at nagpraktis sa bahay.
"Dahil may fascination ako sa mga sword, mahilig ako sa mga ganyan action-action, nung nalaman ko na masasali ako sa 'Encantadia' dumukot ako ng sword ko at nagpraktis-parktis [ako] sa bahay," natatawa kuwento ni Eula.
Nang tanungin kung si Avria na ba ang pinakamatinding katunggali ng mga diwata, tugon ng aktres, "Basta abangan nila kung anong lagim ang ihahasik ni Avria sa Encantadia." -- FRJ, GMA News