Filtered By: Showbiz
Showbiz

Miguel Tanfelix, planong talbugan ang Valentine date na ginawa nila noon ni Bianca Umali


 


Hindi man sila "mag-on," inamin ni Miguel Tanfelix na nagpaplano siyang talbugan ang ginawa nilang date ng ka-love team niyang si Bianca Umali noong nakaraang taon kung saan sinet-up niya ang dalaga para makasamang kumain sa isang steak house.

LOOK: Bianca Umali opens 2017 with beach adventure

Sa ulat ni Rose Garcia na lumabas sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Martes, nilinaw ng aktor ang mga bali-balitang nag-break na sila ni Bianca noong huling bahagi ng 2016.

"Talaga po? Nag-break kami? Ano ba naman yun, hindi pa nga ako nanliligaw, break na agad,” nagtatakang sagot ni Miguel.

Hinala niya, posibleng may nag-akala na wala na sila ni Bianca dahil sa sandaling hindi sila nakitang magkasama ng aktres sa mga programa sa telebisyon.

"Baka po kasi nawalan ng show, hindi nagkikita...Walang pino-post na picture together," saad niya. "Baka akala nila, wala na sila."

Muling nilinaw din ni Miguel na "hindi pa sila" at hindi pa niya nililigawan ang magandang aktres.

Gayunman, ngayong Valentine’s Day ay nagpaplano raw ang binata na talbugan ang Valentine date nila ni Bianca noong nakaraang taon.

"Nakakatawa yung ginawa ko last year, kunwari merong client. Pagpunta niya ro'n, ako ang nandoon. Pero kumain lang naman po kami sa steak house," kuwento ni Miguel.

Ayon pa sa aktor, may pahintulot ng pamilya ni Bianca ang paglabas nila sa tuwing mayroong espesyal na okasyon tulad ng Valentine’s Day bilang friendly date.

Madalas na kasama rin daw nila ang kani-kanilang pamilya kung lumalabas sila ng dalaga.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Miguel sa presscon ng GMA variety show na "Full House Tonight." -- FRJ, GMA News