Manilyn, Tina at Sheryl, may inamin tungkol sa kanilang dating ka-love team
Ang tinaguriang "Triplets" na Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, at Tina Paner, ang mga pinakasikat na teen stars noong 1980's. Kaya naman sa programang "Sarap Diva" ni Regine Velasquez, inalam ng Asia's Song Bird kung nauwi sa real love ang relasyon nila noon sa mga dating ka-love team.
READ: ‘The Triplets’ Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Tina Paner ecstatic about reunion project
Sa "Throwback" portion ng "Sarap Diva," binalikan ang panahon na wala pang social media at kung papaano nagawang magtagumpay ang mga love team.
Hindi gaya ngayon na makikita ang mga larawan ng mga magkaka-love team sa iba't ibang social media, noon, ipinaliwanag sa "Sarap Diva" na ang mga larawan ng mga artista na ibinebenta sa mga bangketa ang naging paraan ng fans para magkaroon ng souvenir ng mga idolo.
At kung ngayon ay nagagawa ng fans na magkaroon ng komunikasyon sa kanilang idolo sa pamamagitan ng pagkomento sa social media, sinabi ni Sheryl na noon, ang fan mail system o pagpapadala ng mga sulat ang naging paraan niya ng komunikasyon sa fans sa loob at labas ng bansa.
Kung may mga basher ngayon sa social media, ang ibang showbiz press daw noon ang pangunahing kritiko ng mga artista.
Pero puna nila, masyadong personal ang mga banat at puna ngayon ng mga basher na hindi gaya noon.
Tungkol sa kanilang mga ka-love team, inamin ni Manilyn na may apat na buwan lang na tumagal ang relasyon nila ng kaniyang katambal na si Janno Gibbs.
Ganito rin katagal umano ang nangyari kina Tina at ka-love team niyang si Ramon Christopher.
Samantala, hindi naman makumpirma ni Sheryl kung naging sila nga ni Romnick Sarmienta pero sinabi ng aktres na matagal at seryoso siyang nilagawan noon ng aktor. -- FRJ, GMA News