Alice Dixson, nanghinayang kay Miss Philippines Maxine Medina
Aminado ang aktres at 1986 Binibining Pilipinas-International na si Alice Dixson sa pagkabigo ni Miss Philippines Maxine Medina na mapanalunan ang korona sa katatapos na Miss Universe Pageant.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing kabilang si Alice sa mga celebrity na nanonood sa coronation day ng Miss Universe na ginanap sa MOA Arena nitong Lunes.
Ayon kay Alice, bukod kay Maxine, paborito at bet niya ring manalo ang kandidatang si Miss Kenya at Miss Canada.
Ngunit nanghihinayang talaga siya kay Maxine dahil nakita ng aktres na malaki ang tiyansa ng kandidata ng Pilipinas na makapasok man lang sana sa top 3 kung hindi man mapanatili sa bansa ang korona.
"Nandun na siya eh, nasa top six na siya. She has the beauty, the grace, lacking lang siya sa pagsagot [sa question and answer portion," ayon sa aktres.
Dagdag pa ni Alice sa takbo ng panayam, maaaring naging mas maganda umano ang sagot ni Maxine kung naiugnay nito ang sagot sa Q&A portion tungkol sa social media.
"I think nasa isip niya she wanted to say something about yung unite [the] people. So sana sinabi niya na lang that you know social media is key to change also," aniya.
"It actually does unite people it just that a different form of receiving importations and it creates more bond and unity," dagdag pa ng aktres patungkol sa kung papaano nakatutulong ang social media para pag-isahin ang mga tao.
Sa naturang pageant, itinanong kay Maxine na, "What is the most significant change you've seen in the world in the last 10 years?"
READ: Maxine Medina’s answer in the Miss Universe Q&A
Gayunman, aminado si Alice na sadyang mahirap na bahagi ng pageant ang Q&A portion.
'Q&A portion is very unforgiving. Once magkamali ka nang konti mahirap na," aniya.
Pinuri naman ng aktres ang mahusay na pagpapatakbo at pamamahala sa naturang beauty contest. -- FRJ, GMA News