Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kim Domingo sa kaniyang mga mata: 'Pag tumingin daw ako parang nanghi-hypnotize'


Dinagsa ng fans ang autograph signing ni Kim Domingo nitong Biyernes bilang cover girl sa January 2017 issue ng FHM Philippines. Nang tunungin kung anong bahagi ng katawan ang kaniyang paborito, mata ang kaniyang pinili.

Sa ginanap na autograph signing sa Robinsons Galleria Activity Center, inihayag ni Kim ang kasiyahan na muling maging cover girl ng nabanggit na magazine.

"Eto kasi year opener siya so mas naging maingay siya compared to my December 2015 cover. Kumbaga, totally new look ito," saad ng Kapuso star.

 

 

Hindi naman minamasama ni Kim ang malinya bilang sexy star at mabansagang bagong "Pantasya ng Bayan."

"Happy ako dun kumbaga hindi ko siya tinuturing na negative, yung image ko naman is pa-sexy so hindi siguro 'yon maiwasan na magkaroon ka ng sexy na bansag," paliwanag niya.

Wala rin siyang nakikitang masama kung may mga babae na sumasailalim sa pagpaparetoke ng katawan para gumanda.

"Hindi naman ako against sa mga taong may pinapayos sa sarili nila, kasi it's their choice. Maybe, meron silang mga dahilan and hindi naman porke't nagpaayos ka, masama ka nang tao, " ayon sa aktres.

Nang tanungin kung anong bahagi ng kaniyang katawan ang kaniyang paborito, tugon niya, "Eyes. 'Yon din ang sabi nila, dahil 'pag tumingin daw ako parang nanghi-hypnotize."

Bilang nagsisimula pa lang sa paggawa ng mga proyekto sa telebisyon at pelikula, muling binanggit ni Kim na pangarap niyang makapareha si Bossing Vic Sotto.

"Actually, kahit sinong ipartner sa'kin, walang problema sa'kin. Kaya nga nasabi ko dati na  pangarap ko maka-partner si Bossing Vic," aniya. "Gusto ko sa Enteng." -- Marlly Rome C. Bondoc/FRJ, GMA News

Tags: kimdomingo