Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Oro' director Alvin Yapan disheartened by the controversy


Aminado ang direktor na si Alvin Yapan na labis niyang ikinalungkot ang kontrobersiyang idinulot sa isang eksena sa pelikulang "Oro." Ang intensyon niyang maiparating sa pelikula ang sinapit na karahasan ng apat na minero, natabunan ng nangyari sa aso.

Bilang isang artist, nais raw niyang maipakita ang katotohanan sa likod ng tinaguriang "Gata 4 Massacre," o ang pagpaslang sa apat na minero sa Camarines Sur. Kaya naman labis niyang ikinalungkot na nalihis ang atensyon ng publiko sa alegasyon ng animal cruelty sa pagkamatay ng aso, na mariin niyang itinatanggi.

READ: DIRECTOR TELLS: How Oro's controversial dog slaughter scene came about

"Talagang pagod na pagod na ako sa mga nangyayaring ito. Ang reaksyon ko talaga ay lungkot—bakit ang social media ay nagre-react sa namatay na aso when, in fact, ang punto ng pelikula ay tungkol sa apat na pinatay na minero," paliwanag ni Yapan sa panayam ni Kara David sa "News To Go" nitong Martes.

"Hindi ko alam kung bakit lahat ng mata ay pumupunta sa aso. Ilang segundo lang siya. There was no torture. Hindi ko alam kung bakit ganoon na ang tao ngayon—ganoon na ba tayo ka-manhid? Ako, gawin na nila lahat. Pero as an artist, nalulungkot  na lang ako na I was proven right by this reaction—ganoon na talaga tayo ka-manhid bilang tao," dagdag pa niya.

Ikinadismaya rin niya ang panawagan ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na tanggalin siya bilang miyembro ng Director's Guild of the Philippines bilang kaparusahan umano sa nangyaring sa pelikulang "Oro."

Matatandaang pinatawan ng one-year ban si Yapan at ang mga producer ng "Oro" mula sa pagsali sa Metro Manila Film Festival.

Nanindigan ang direktor na karapatan niyang ihayag ang kaniyang saloobin sa pamamagitan ng mga pelikulang ginagawa niya, at isang mahalagang isyu para sa kaniya ang karahasang dinaranas ng mga taong walang kapangyarihan sa lipunan—na tila hayop na umano kung itrato ng iba.

Ayon pa sa direktor, "Sobra naman 'yon. Ginagawa ko lamang ito bilang karapatan ko rin ang magpahayag bilang isang artista—kung ano ang saloobin ko. Ako talaga, nalulungkot ako ngayon sa mga pangyayari sa lipunan kung papaanong ang tao ay parang hayop kung ituring, lalong-lalo na sa mga araw-araw na patayan na nakikita natin sa balita."

Patuloy niya, "Nakakalungkot na kung papanoorin ng mga tao ang 'Oro' ay dahil na sa aso, at hindi doon sa mga pinatay na minero. It's very quick kasi ayoko rin naman maging exploitative ang pagkakakuha sa eksena."

Dahil sa kinahaharap na kontrobersiya, tila napanghihinaan na ng loob si Yapan na ipagpatuloy ang kaniyang propesyon bilang isang direktor.

Gayunpaman, umaasa pa rin siya na magkakaroon ng pagkakataon ang marami na mapanood ang "Oro" at mapulot ang aral na nais niyang maiparating sa mga manonood.

"Ang sabi nila, 'Direk, go lang.' Pero this really is destroying my spirit. To be proven right in your fear about humanity, grabe 'yon. Sabi nila, magpahinga lang ako at baka makabangon naman ako," aniya.

'Iniwan sa ere'

Umaasa pa rin ang mga bumubuo ng "Oro" na maipagtanggol sila ng iba't ibang ahensya na nakapanood ng kanilang pelikula at nagbigay-daan upang makasali sila sa MMFF 2016 at kilalanin pa sa iba't ibang kategorya ng parangal, kabilang na ang Best Actress para sa bida nitong si Irma Adlawan.

Kasabay nito, nais din ni Yapan at ng kaniyang mga kasamahan na muling mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na mapanood ang kanilang pelikula.

"Sana makita pa ito, pero hindi ko alam kung anong ginagawa sa amin ng MMFF, FDCP, MTRCB, at ng CEB. Ito ay pinagdaanan namin lahat," ayon sa direktor.

Naglabas naman ng kaniyang hinaing si Adlawan sa mga nabanggit na ahensya, na tila natahimik raw mula nang lumabas ang isyu.

"Pinagdaanan lahat kaya kami ay nagtataka. The point here is all-powerful talaga si Liza Diño. Somehow, natakpan niya ang selection committee, natakpan niya ang lahat ng tao sa execom, pati MTRCB. That's why when this first came out, we were being banned, we were being pulled out, parang gusto kong tanungin kung, 'Mayroon bang say ang MMFF kung paano magre-rate ang MTRCB?' Kasi noong ni-rate kami ng MTRCB, baka sinabihan nila. Kaya kami na-PG. Ang sabi nila, 'No, the MTRCB is an independent entity,'" pahayag ng aktres.

READ: 'Oro' star Irma Adlawan scores Liza Diño for trial by social media 

Pagtatapos niya, "Nagulat kami na pinagdaanan namin lahat ito, and then suddenly, when Liza Diño came out, wala nang nagsalita sa kanila. Iniwan na nila kami sa ere. Walang selection committee that backed us up na we were selcted, walang execom ng MMFF na nagsabing 'Ito ay isang pelikulang ipinagmamalaki namin.' Liza Diño talked and everybody shut up." -- FRJ, GMA News