Paolo Ballesteros is back in the makeup transformation game!
Matapos humakot ng awards sa iba't ibang film festivals sa loob at labas ng bansa, balik ang Kapuso host-actor at “Die Beautiful” star na si Paolo Ballesteros sa pagpapakitang-gilas sa makeup transformation.
Sa pagkakataong ito, naging inspirasyon ng pinakabagong obra ni Paolo ang American singer-songwriter na si Mariah Carey.
“Happy New Years from MARUYAH KERI!” aniya sa kaniyang Instagram post nitong Martes.
A photo posted by Paolo Ballesteros (@pochoy_29) on
Kamakailan lamang, iginawad kay Paolo ang Best Actor award sa Metro Manila Film Festival 2016 Gabi ng Parangal para sa kaniyang natatanging pagganap sa pelikulang “Die Beautiful.”
Noong nakaraang taon din, nakuha ng Kapuso host-actor at “Eat Bulaga!” Dabarkads ang Best Actor award mula sa Tokyo International Film Festival, at ang Special Jury Award for Outstanding Performance mula naman sa International Film Festival of Kerala.
Ayon sa aktor, pangarap naman niyang maisali ang kanilang pelikula sa Best Foreign Language category ng prestihiyosong Academy Awards.
“To the LGBT community, let this movie be an inspiration to everyone... Direk!!! Awards pa more! Festivals pa more! Let's go for the Oscars! Mabuhay Philippines!” aniya sa naunang pahayag. —ALG, GMA News