Alden Richards: There is no ‘mystery girlfriend’ in Makati
Matapos niyang linawin ang kumakalat na balita tungkol sa isa umanong “mystery girlfriend” na binibisita niya nitong holiday season, naglabas rin ng pahayag ang Pambansang Bae at “Eat Bulaga!” Dabarkads na si Alden Richards sa kaniyang social media accounts upang tuldukan na ang isyu.
Sa naunang panayam, iginiit ni Alden na tanging pamilya niya lamang ang kasama niya habang nagpapahinga mula sa kaniyang showbiz commitments at saglit lamang siyang bumisita sa kaniyang restaurant sa Quezon City bago ang araw ng Pasko.
Paglilinaw pa ni Alden sa isang Facebook post nitong nakaraang linggo, wala rin siyang dinadalaw na “mystery girlfriend” sa isang village sa Makati City.
Ito ang naging sagot ng Pambansang Bae sa column ni Ricky Lo kung saan sinabi ng batikang entertainment writer na madalas makita ang sasakyan ng aktor sa isang “posh subdivision” sa nasabing siyudad.
Ayon kay Alden, “I woke up & read an article about me & a "mystery" girl? I just wanna make it clear that I dont have a mystery girlfriend. The only time I went to a posh village in Makati was when I visited Dra. Vicky Belo & Scarlet Snow, with some staff from Artist Center... so dili man po totoo yung balita.”
“When we visited Dra. Belo, wala pa po akong GMC nun,” dagdag pa ng binata patungkol sa sasakyang madalas raw nakikita sa Makati.
Muling iginiit ni Alden na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita tungkol sa kaniya at sa isang "mystery girl" sa pamamagitan naman ng isang tweet nitong Huwebes.
Just want to clarify the circulating issue...then again, "not true". Happy New year eblibady!!! ????
— Alden Richards (@aldenrichards02) December 29, 2016
Ayon kay Alden sa panayam ng "24 Oras" nitong Biyernes,, maging ang kaniyang pamilya ay nagulat sa lumabas ang isyu.
"Walang mystery girl, walang mystery girlfriend and wala po akong kakilala from Pampanga or somewhere else. Basta ang alam ko po hindi 'yon totoo," paliwanag ng aktor.
Bukod sa kaniyang pagbida sa "Eat Bulaga!" at “Sunday Pinasaya,” naghahanda na rin ngayon si Alden para sa "Destined To Be Yours," ang kauna-unahang teleserye na pagbibidahan niya kasama ang phenomenal star na si Maine Mendoza.
Kabilang ang "Destined To Be Yours" sa mga aabangang Kapuso teleserye para sa susunod na taon.
Kasama rin sa 2017 drama offerings ng GMA Network ang "Meant To Be" nina Barbie Forteza, Ken Chan, Ivan Dorschner, Addy Raj, at Jak Roberto; at ang Pinoy version ng hit Koreanovela na "My Love From The Star" nina Jennylyn Mercado at Gil Cuerva. —ALG, GMA News