Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eugene Domingo opens up about her Italian boyfriend


Hindi itinanggi ng batikang aktres at "Dear Uge" star na si Eugene Domingo na inspired at in love siya ngayon.

Nitong Huwebes, kasabay ng press conference para sa 2016 Metro Manila Film Festival entry na "Ang Babae Sa Septic Tank 2: #ForeverIsNotEnough," ipinakilala na ng Kapuso host-actress sa publiko ang kaniyang nobyo.

Panimula niya, "I'm inspired. I'm so in love. There's no reason to deny it—I'm so in love... He's Italian, and his name is Danilo. He's older than me."

Nagkita raw sila sa isang international film festival na dinaluhan ni Eugene para sa pelikulang "Barber's Tales," at dinaluhan naman ni Danilo bilang isang film critic.

Inamin umano sa kaniya ng Italyano na noon pa man daw ay tagahanga na siya ng mga pelikula ng Pinay actress.

"We met in Udine Far East Film Festival film festival during 'Barber's Tales,' but he's been watching my films before, since 'Kimmy Dora.' He says he's a fan," kuwento ni Eugene.

 

 

Hindi raw malilimutan ng Kapuso star ang una nilang pagkikita dahil bukod sa magandang mga mata at ngiti nito, may kakaibang tanong rin daw na ibinato sa kaniya si Danilo.

"I really like his sincerity, his eyes, his smile. And there was one question he asked me at hindi ko na nakalimutan—he asked me if I was in love. Nagulat ako. Parang naisip ko, 'How dare you ask me that question.' But then, I thought, bisita lang ako doon, hindi naman ako puwedeng sumagot nang ganoon. So I said, 'Are you writing for a tabloid?,'" ayon sa kaniya.

"Nagulat din siya at ni-rephrase niya ang question. Sabi niya, 'I just want to know what you love to do most.' After that, hindi ko na siya nakalimutan... I felt na he is a good person, and it would be nice to talk to him again," dagdag pa niya.


Long-distance relationship and plan to marry

Halos dalawang taong tumagal ang ligawan nina Eugene at Danilo, at nitong Hulyo nga lang daw naging opisyal ang pagiging magkasintahan nila.

Mahirap man ang kanilang long-distance relationship, nakagagawa raw ng paraan ang dalawa upang magkaroon ng mas maraming oras para sa isa't isa.

Ayon sa aktres, "It's hard because you really miss each other, but it also helps you to be more creative. Mas na-a-appreciate niyo yung time niyo together. Kaya kapag may nakikita akong couples together na nag-aaway, gusto kong sabihin, 'Ang sarap nga ng buhay niyo. Magkasama kayo. Bakit hindi na lang kayo mag-enjoy?'"

Hindi pa man nila napag-uusapan ang pagpapakasal, handa na raw si Eugene sakaling mag-propose si Danilo.

Suportado rin daw nila ang propesyon ng isa't isa kaya hindi magiging isyu ang kanilang bansang titirhan.

"We always say na kung ano 'yung plano ni God, 'yun na 'yun. He respect my profession and he likes it very much. Awa ng Diyos, hindi naman mahirap lumipad doon kasi pinagbibigyan naman ako ng work to have a vacation. May paraan naman, if you really love a person, you'll find a way," paliwanag ni Eugene.

Ilang beses nang bumisita si Eugene sa Italy, at umaasa siyang makapupunta naman si Danilo sa Pilipinas sa susunod na taon.


Bida ngayon ang aktres sa 2016 Metro Manila Film Festival entry na, "Ang Babae Sa Septic Tank 2: #ForeverIsNotEnough" kasama sina Jericho Rosales, Joel Torre, Kean Cipriano, Cai Cortez, Khalil Ramos, at marami pang iba.

Mapapanood na ang pelikula sa darating na December 25, kasabay ng pito pang opisyal na kalahok sa taunang film festival. -- FRJ, GMA News