Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dating aktor at senador na si Ramon Revilla Sr., muling naospital, ayon kay Lani Mercado


Bukod sa patuloy na pagkakadetine ng kaniyang mister na si dating Senador Bong Revilla, inamin ng actress-politician na si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, na nalulungkot din sila sa pagkakaospital muli ng kaniyang biyenan na si dating senador at action star na si Ramon "Agimat" Revilla Sr.

Sa ulat ni Julie Bonifacio sa Philippine Entertainment Portal nitong Miyerkules, sinabi ni Lani noong Sabado [December 10] dinala sa ospital ang nakatatandang Revilla.

“Medyo naging critical siya noong Saturday, e," tugon ng mayora nang kumustahin ang lagay ng dating action star.

"Pero ngayon nasa ICU pa rin. He’s under observation. We just asked for prayers again, for him," dagdag niya.

Hindi pa raw nababasa ni Lani ang medical certificate ng kaniyang biyenan kaya hindi pa niya alam ang buong detalye sa kalagayan ng kalusugan nito pero mayroon daw pneumonia ang dating senador.

Sumikat sa mga action movie na may taglay na agimat si Ramon Sr., na 89-anyos na ngayon.

Hulyo noong nakaraang taon nang humiling din ng dasal si Lani dahil isugod sa ospital ang kaniyang biyenan. (Read: Ramon Revilla Sr., isinugod sa ospital).

Samantala, nalulungkot din si Lani dahil sa PNP Custodial Center uli silang magpapasko ng kaniyang pamilya.

Ito ay matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ng kaniyang mister na si Bong Revilla, na ipatigil na ang pagdinig sa kinakaharap niyang kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

Ito na ang ikatlong Pasko na magsasama-sama silang pamilya sa PNP Custodial Center kung saan nakadetine si Bong, at umaasa si Lani na hindi ito maulit sa susunod na taon. -- FRJ, GMA News