Nora Aunor looks back on fondest memory with her idol Lolita Rodriguez
Kabilang ang Superstar na si Nora Aunor sa mga nagluluksa sa pagpanaw ng legendary actress na si Lolita Rodriguez.
Pumanaw sa edad na 81 ang batikang aktres na si Lolita nitong November 28, 9:40 A.M. (California time), dalawang buwan makaraan siyang ma-stroke.
Ayon kay Ate Guy, idolo niya ang aktres, na nakasama pa niya sa pelikulang "Ina Ka Ng Anak Mo" noong 1979.
READ: Actress Lolita Rodriguez passes away at 81
Sa panayam ng GMA News nitong Martes, inilahad ng Superstar na, "Idolo ko siya. Siya talaga ang pinakaidolo ko sa lahat ng mga artista. Nabigla ako nang nawala siya."
Hindi raw malilimutan ng Superstar ang isa sa mga eksenang kinunan para sa "Ina Ka Ng Anak Mo," na naka-close-up sa kaniya ang camera habang kausap niya si Lolita, na gumaganap bilang kaniyang ina.
Kahit hindi raw kita sa camera, todo pa rin umano ang pag-alalay ng batikang aktres kay Ate Guy, na noon ay ilang taon pa lamang sa industriya ng pelikula.
"Isa siyang artista na nagtuturo sa mga kaeksena niya. Hindi siya 'yung nagsasarili, lalo na sa mga bagong artista. Sa isang eksena namin, nakahiga siya lang siya, at kinukunan ako. Habang nagte-take ako, umaarte siya. Arteng-arte talaga na parang kinukunan rin siya ng camera. Isa 'yon sa mga hindi ko makakalimutan sa kaniya. Talagang sobrang magturo sa mga kasamahan niya," pagbahagi ni Ate Guy.
"'Yung iba, kapag hindi kinukunan, nandoon lang sila. Bahala ka sa sarili mo kung ikaw lang ang kinukunan. Siya, hindi," dagdag niya nang makapanayam sa presscon ng pelikula niyang "Kabisera," na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Maliban sa "Ina Ka Ng Anak Mo," nakilala rin si Lolita sa mga pelikulang "Stardoom," "Tubog Sa Ginto," "Tinimbang Ka Ngunit Kulang," Mortal," at "Ina Kapatid Anak."
Sa halos apat na dekada niya bilang isang aktres, ilang beses siyang na-nominate at nanalo ng acting awards.
Kabilang dito ang Best Actress para sa pagganap sa mga pelikulang "Gilda" (1956, FAMAS Awards), "Kasalanan Kaya?" (1968, Manila Film Festival), "Stardoom" (1971, Citizen Council for Mass Media Awards), "Tinimbang Ka Ngunit Kulang" (1971, FAMAS Awards), at "Ina Ka Ng Anak Mo" (1979, Metro Manila Film Festival). -- FRJ, GMA News