Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga haligi ng Philippine comedy na bibigyang-pugay sa 'Bubble Gang', malalaman na


Mapapanood na sa Biyernes, November 25, ang Part One ng special episode ng "Bubble Gang" para sa kanilang 21st Anniversary, kung saan bibigyang-pugay nila ang 21 komedyante na itinuturing nilang haligi ng Philippine showbiz sa pagpapatawa.

Sa Chika Minute report Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng comedy genius na si Michael V, o Bitoy, na ito na ang tamang panahon para bigyan ng pagkilala ang mga komedyante sa bansa na nagbigay ng kasiyahan sa mga Pinoy.

Pagtiyak niya, the best of the best ang tribute na ibibigay nila para sa mga hinahangaang komedyante.

Asahan na kasama raw sa listahan ng mga bibigyan ng tribute ang Comedy King na si Dolphy at ang sidekick nitong si Panchito Alba.

Kasama rin daw sina Chiquito, Bert "Tawa" Marcelo, at ang "TVJ," o sina Senator Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

Sa teaser ng programa, may pahiwatig na kasama rin sa listahan ng bibigyan ng tribute sina Babalu at ang mahusay sa pag-aala-German soldier na si Ramon Zamora.

Ang buong tropa ng longest running gag show, excited daw na bigyang buhay ang nga Pinoy comedian sa kani-kanilang mga comedy skit.

Bukod sa pagtukoy sa mga comedian na bibigyang-pugay sa programa, magiging kaabang-abang din ang mga special guest sa anniversary show kabilang ang original "Bubble Gang" member na si Ogie Alcasid, at ang phenomenal love team na Aldub nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Mapapanood na bukas (Biyernes) ang part 1 ng Bubble Gang anniversary show, at sa December 3 naman ipalalabas ang second part nito. -- FRJ, GMA News

Tags: bubblegang