Ken Chan talks about love, courtship, and why he likes older girls
Sa taglay na kagwapuhan, tiyak na hindi magiging mahirap sa Kapuso actor na si Ken Chan na magpasagot ng liligawang babae. Pero paliwanag niya, hindi siya basta-basta pumapasok sa isang relasyon.
Hindi rin tulad ng marami ngayon, sinabi ni Ken na tradisyonal pa rin ang panliligaw na ginagawa niya para sa babaeng nagugustuhan niya.
Kuwento ni Ken sa isang panayam nitong Lunes, "Traditional ako. 'Yung pupuntahan mo sa bahay, hindi lang siya liligawan mo—pati 'yung pamilya niya. Ganoon ako. Lahat ng mga naging girlfriend ko, ganoon ang ginawa ko."
Apat pa lamang ang naging kasintahan ng 23-year-old Kapuso actor, ngunit hindi raw siya nagmamadaling madagdagan ito.
Nakatuon daw muna ang pansin ni Ken sa kaniyang showbiz projects, kabilang na ang "Meant To Be," kung saan isa siya sa apat na leading man ni Barbie Forteza.
"Long-term ako, hindi ako madalian. Two years, three. 'Yung last ko, one year and eight months, 'Yung last relationship ko ended because walang time," aniya.
Paliwanag pa ni Ken, "Ako, kung tinuloy ko na magkaroon ng commitment ulit, feeling ko hindi magwo-work because of my time. Mahirap din. Wala munang commitment."
Sakaling magmamahal muli si Ken, nais raw niya ng isang babaeng mas matanda sa kaniya.
Pahayag niya, "Gusto ko sana, mas matanda... Since 23 ako ngayon, sana mga 28 to 30."
"Gusto ko kasi, bine-baby ako," pabirong dugtong ng aktor.
Kasama ni Ken na bibida sa GMA Primetime series na “Meant To Be” sina Barbie Forteza, Ivan Dorschner, Addy Raj, at Jak Roberto.
Kabilang rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento ang mga batikang artistang sina Gloria Romero, Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Tina Paner, at Keempee de Leon.
Bibida rin sa programa ang Kapuso stars na sina Sef Cadayona, Mika dela Cruz, Stephanie Sol, at Zymic Jaranilla. -- FRJ, GMA News