Mga ka-'Bubble Gang,' ibinahagi ang mga hamon at sikreto sa 21 taon ng pagpapatawa
Ibinahagi ng ilan sa cast member ng "Bubble Gang" ang mga hamon na hinarap nila at maging ang sikreto magmula nang unang mapanood sa telebisyon ang longest-running Pinoy comedy sketch gag show noong 1995.
Sa ginanap na press conference nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Michael V., isa sa mga orihinal na miyembro ng programa, na ang pag-iisip kung papaano gagawing katawa-tawa pa rin ang isang joke kahit hindi na bago.
"Sa creative side, kapag inisip mo kasi, parang nasabi na lahat ng jokes sa mundo. Ang challenge is paano gagawa ng fresh take. Kahit hindi original ang punchline, paano mo babaguhin ang set-up? Or paano ka gagawa ng original content altogether," paliwanag niya.
Para naman sa iba pang bahagi ng programa, isang malaking hamon rin ang kilalanin ang kanilang mga tagasubaybay, na siyang nagbibigay-buhay sa ibang-ibang segments at sketches na ipinalalabas nila.
Sa bawat taping raw ng kanilang episode, sinisiguro ng bawat isa na maging natural ang kanilang acting ng iba't ibang sitwasyon, na hango sa tunay na buhay.
Ayon kay Paolo Contis, na naging bahagi ng programa mula noong 2005, "May times na sa amin ay nakakatawa, pero sa audience, hindi. Ilang beses na naming nakita 'yan. Ang saya naming ginagawa, pero noong pinanood namin, 'Ay, ang pangit.'"
"It's knowing your audience, knowing when to stop. Tingin ko, pinaka-challenge ang hanapin talaga ang timpla ng audience. Ang priority mo ay mapatawa ang audience at hindi kayo-kayo sa set," dagdag pa niya.
Pahayag naman ni Sef Cadayona, na isa sa mga bagong miyembro ng cast, "Isa sa mga nakikita naming challenge ay magmukhang natural ang mga eksena, hindi mukhang inaarte. Dapat ang mismong daloy ng eksena, natural na natural, 'yung mga nangyayari sa kanto, sa hospital, o sa iba pang setting. Nag-eenjoy kami, at the same time, mukha siyang nangyayari sa totoong buhay."
Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na iba't ibang karakter na ang binigyang-buhay ng "Bubble Gang," at kadalasan, maraming karakter ang ginagampanan ng iisang tao.
Halimbawa nito si Bitoy na gumanap na bilang si Yaya Rosalinda, Tata Lino, Don Miguel de Ayalabang, Junie Lee, Madam Rocha, Mr. Assimo, Mr. Matapobre, Bonggang Bonggang Bongbong, DJ Bumbay, at Doña Yna Moran.
Marami na ring miyembro ng cast ang gumanap ng iba't ibang karakter—babae, lalaki, bata, o matanda.
Ayon kay Betong Sumaya, "Every character na ibinibigay sa amin ay challenge. 'Yung magampanan nang maayos at may hustisya, 'yon ang mahirap. Hindi lang kami nakakahon sa isang role—puwedeng babae, lalaki, matanda, bata. Minsan, challenge talaga kung paano magmumukhang totoo 'yung ginagawa namin."
THE SECRETS
Sa kabila ng mga hinarap na hamon, patuloy pa rin na pamamayagpag ng "Bubble Gang" bilang isa sa mga tinitingalang comedy shows sa Philippine entertainment industry.
Kung gaano tila kakomplikado ang mga hamon ng pagpapatawa, ganoon naman kasimple ang mga ibinahaging sikreto ng mga bumubuo ng programa.
Anila, isa sa mga sikreto sa likod ng tagumpay ng longest-running comedy show sa bansa ang "seryosong pagpapatawa" at pagmamahal sa trabaho.
"One word about our comedy is 'serious.' We are very serious about our comedy. Seryoso kami sa pagpapatawa,and that works for us. Hindi lang kami basta nanggagaya, seryoso kami sa ginagawa namin," ani Paolo.
"We care about each other, naghihilahan kami pataas at hindi pababa. Hindi man kami magkaka-age, masaya kaming magkakasama. We are very close, lumalabas kahit walang taping, ganoon. May connection kaming lahat," saad naman ni Juancho Trivino, na minsang naging bahagi ng spoof tungkol sa phenomenal AlDub love team.
Para naman kay Antonio Aquitania, isa rin sa mga orihinal na cast members, excited umano siya tuwing tapung sa nakalipas na 21 taon ng "Bubble Gang."
Mahalaga rin daw para sa patuloy na pagpapasaya ng mga manonood ang walang-sawang pagbuo ng mga bagong materyal na nakakatuwa at makatotohanan.
"Importante ang innovation. Hindi kami nag-i-stop sa isang idea. Hindi kami nagsasawa na i-reinvent ang mga sarili namin at 'yung show," ayon sa bago ring miyembro na si Denise Barbacena.
Dugtong naman ni Bitoy, "Kailangang mag-evolve lahat—artista, writers, at minsan, buong network ay nakiki-evolve with us, even society."
Para sa nakararami, isa ang tinaguriang comedy genius na si Bitoy sa mga pinakamahalagang sikreto ng "Bubble Gang."
Bukod sa kaniyang hindi matatawarang galing sa pagpapatawa, kakaibang inspirasyon at motivation rin daw ang ibinibigay ng batikang komedyante sa lahat ng kaniyang mga katrabaho.
"Kapag ka-eksena ko si Kuya Bitoy, unang-una, imo-motivate ka niya. Dapat ganito ang acting, ganito ang gagawin. Hahayaan ka muna niya sa rehearsal, kapag medyo gusto siyang delivery na mas maayos, sasabihin niya. Sobrang supportive," ayon kay Betong.
Sa huli, "teamwork" ang napiling salita ng buong cast upang ilarawan ang sikreto sa higit sa dalawang dekada ng "Bubble Gang" sa telebisyon.
"Hindi naka-rely sa isang tao. Laging grupo, kaya nga gang. Nandiyan ang staff namin, na gumagala talaga sa mga kalye para makihalubilo sa mga tao para malaman kung ano ang in at uso, at 'yun ang gagamitin naming materyal," paliwanag ni Bitoy.
Para naman kay Direk Bert de Leon, na pumalit sa namayapang si Direk Uro dela Cruz, "I have big shoes to fill—hindi lang for Oro but sa lahat ng mga naunan sa akin na gumawa nito. Ako ang pinakabagong addition to this. Hindi siya rocket science kasi may formula na 'yan, but what we try to do is we try to be open."
"Lahat puwedeng mag-suggest and contribute. Walang monopoly sa creativity. Ako, ang ginagawa ko, I try my best to present the comedy in a very tasteful way. Marami na rin akong nagawang gag show, so we just combine our inputs, tulong-tulong lang. Nakikinig ako sa staff, and I ask them, 'Paano niyo ba ito ginagawa dati? Is there any room to improve whatever segments are on the script?' It's work, but it's fun," dagdag pa niya.
Abala ngayon ang buong cast at crew ng "Bubble Gang" sa paghahanda para sa kanilang two-part anniversary special, kung saan bibigyang-pugay nila ang ilan sa mga pinakamagagaling na komedyante sa industriya.
Mapapanood na ang “Bubble Gang: 21 Gang Salute” sa November 25 at December 2, pagkatapos ng “Someone To Watch Over Me.” -- FRJ, GMA News