Michael V. proud of 'Bubble Gang' being the 'training ground for comedians'
Labis ang pasasalamat ni Michael V. sa mga patuloy na sumusubaybay sa “Bubble Gang” tuwing Biyernes matapos ang higit sa dalawang dekada. Ngayong taon, ipagdiriwang ng longest-running Pinoy comedy sketch gag show ang ika-21 nitong anibersaryo.
Bukod kay Bitoy, kasama pa rin sa programa ang ilan sa mga original members nito tulad sina Antonio Aquitania at Diego Llorica mula nang mag-umpisa itong mapanood noong 1995.
Sa dami ng mga artistang dumaan sa "Bubble Gang" sa loob ng mahigit dalawang dekada, itinuturing na ito ng marami bilang "training ground" ng mga komedyante.Ilan sa mga bagong komedyante at bida sa programa na nakikilala na ngayon sa industriya ay sina Sef Cadayona at Betong Sumaya, na nabansagan pang "next comedic geniuses."
Bukod dito, nabibigyan din ng pagkakataon ang ibang artista na maipakita na kaya rin nilang magpatawa.
Kasama rin ngayon sa cast ng "Bubble Gang" sina Chariz Solomon, Denise Barbacena, Arny Ross, Arra San Agustin, Jackie Rice, Jak Roberto, Andrea Torres, Jan Manual, Juancho Trivino, RJ Padilla, Valeen Montenegro, at marami pang iba.
Ayon kay Bitoy, “Very open sila for anything. Willing silang matuto kaya mabilis silang natututo. With the guidance of Direk Bart de Leon, who did 'T.O.D.A.S' and 'Iskul Bukol,' ang laking tulong talaga.”
Aniya, simple lang daw ang ginagawa nilang "training" para sa lahat ng mga bagong artistang nagiging bahagi ng kanilang programa.
"Mayroon kaming bonding sessions. Dapat magkakasama, and we don't necessarily talk about work. Napag-uusapan ang personal lives, para mas komportable ang lahat sa isa't isa," pahayag ni Bitoy.
Para naman kay Direk Bert de Leon na pumalit sa namayapang si Direk Uro dela Cruz, binibigyan ng pagkakataon ang lahat ng magbigay ng kani-kanilang komento para sa ikagaganda ng bawat segment.
Paliwanag niya, "What we try to do is we try to be open. Lahat puwedeng mag-suggest and contribute. Walang monopoly sa creativity."
"Ako, ang ginagawa ko, I try my best to present the comedy in a very tasteful way. Marami na rin akong nagawang gag show, so we just combine our inputs, tulong-tulong lang. Nakikinig ako sa staff, and I ask them, 'Paano niyo ba ito ginagawa dati? Is there any room to improve whatever segments are on the script?' It's work, but it's fun," dagdag pa ng batikang comedy director.
Sa ngayon, abala ang buong cast ng "Bubble Gang" sa paghahanda para s akanilang two-part anniversary special, kung saan bibigyang-pugay nila ang ilan sa mga pinakamagagaling na komedyante sa industriya.
Mapapanood na ang “Bubble Gang: 21 Gang Salute” sa November 25 at December 2, pagkatapos ng “Someone To Watch Over Me.” -- FRJ, GMA News