Filtered By: Showbiz
Showbiz

Role sa 'Ika-Anim Na Utos,' malapit daw sa tunay na buhay ni Sunshine Dizon


Isang maybahay na pinagtaksilan ng asawa ang role na gagampanan ni Sunshine Dizon sa upcoming afternoon series na "Ika-Anim Na Utos," kung saan makakatambal ni Gabby Concepcion.

Dahil dito, sinabi ni Sunshine sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago, na may pagkakapareho umano sa tunay niyang buhay ang gagampanan niyang karakter na si Emma."

Paliwanag ni Sunshine, si Emma ay isang babae na napabayaan ang sarili nang mag-asawa at nagkaroon ng extramarital affair ang mister.

"It's like baring my soul, parang gano'n," natatawang saad ng aktres. "Medyo maraming kirot habang binabasa ko ang script pero sabi ko nga, it's part of the job."

Hangad daw ni Sunshine na sa paggawa niya ng "Ika-Anim Na Utos" ay may maituro rin siya sa mga manonood lalo na sa mga babaeng may pinagdadaanan na tulad ng kaniyang karakter na si Emma.

"Yung mga taong manonood din nito, you know, will route for Emma till the end and, tingnan natin kung anong mga struggles niya in life," dagdag ni Sunshine sabay pagtiyak na may mga aral na matutunan sa naturang serye.

Sa pagtanggap niya ng bagong proyekto, hindi maiwasan ni Sunshine na malungkot dahil kailangan niyang iwan ang karakter niyang si Adhara sa "Encantadia."

"Technically, nag-i-start pa lang ma-develop yung character ni Adhara sa 'Encantadia,'" ayon kay Sunshine na secret wish na makabalik pa rin siya sa fantaserye.

"Baka, malay n'yo nagtatago lang si Adhara rin sa Balaak at baka puwede pang bumalik," dagdag niya. -- FRJ, GMA News