LOOK: Ang paghaharap nina 'Heneral Luna' at 'Agane' ng Encantadia
Isang nakakaaliw na larawan ang ipinost ng Kapuso actress at “Encantadia” star na si Rochelle Pangilinan sa kaniyang Instagram account na ikinatuwa ng kaniyang mga follower at "Encantadiks."
Sa naturang Instagram post na ibinahagi ni Rochelle, na gumaganap sa kontrabida role sa "Encantadia" bilang si "Agane," makikitang kasama niya ang batikang aktor na si John Arcilla, na gumaganap bilang Hagorn, habang nagmistulang photobomber naman ang direktor na si Mark Reyes.
Pero sa halip na costume ni Haring "Hagorn" sa "Encantadia ang suot ni John, ang humarap kay Agane ay si "Heneral Antonio Luna," na ginampanan sa pelikula ni John.
"Sino ba ang pashneyang ito? Akala mo kung sinong naghahari-harian sa mundo ng mga tao?!" ????????
A photo posted by rochellepangilinan (@rochellepangilinan) on
Matatandaang tumanggap ng mga papuri si John nang binigyang-buhay niya ang naturang bayani sa independent film na “Heneral Luna.”
“Sino ba ang pashneyang ito? Akala mo kung sinong naghahari-harian sa mundo ng mga tao?," saad sa caption ni Rochelle sa ipinost niyang larawan.
Marami ang natuwa sa tila TV-film crossover na ito, at mula nga nitong Linggo, umani na ng higit sa 7,000 likes ang post ni Rochelle.
Ilang tagahanga rin ng “Encantadia” ang nagmungkahi kay Direk Mark na gawing special guest sa telefantasya si Heneral Luna. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News