Alma Moreno, pinayuhan daw ang anak na si Mark Anthony na maging matatag
Hindi raw maiwasan ni Alma Moreno na naalala ang nakakulong na anak na si Mark Anthony Fernandez tuwing nakakaeksena si Derrick Monasterio sa bago nilang proyekto na, "Tsuperhero."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hindi pinapabayaan ni Alma ang kaniyang trabaho kahit abala sa pag-aasikaso sa kaniyang anak na si Mark Anthony na nakadetine sa Pampanga.
Sa taping ng aktres sa kinabibilangan niyang weeklycomedy-fantasy series na "Tsuperhero," na pinagbibidahan ni Derrick.
"'Pag nasa taping ako, pipilitin ko ang focus ko itong trabaho ko; si aling Marta ako dito, yung role ko, 'yon yung dapat ako," ani Alma.
Hindi raw niya maiwasan na maalala si Mark Anthony kapag kaeksena si Derrick na gumaganap na anak niya sa programa sa pagiging malambing din ng aktor.
"Nandu'n yung bilang isang ina na kasama mo, lalo 'pag inaakap mo, 'yung gano'n. E malambing pa naman dito sa 'kin si Derrick talaga, laging nakaakap, laging nakaalalay, parang si Mark," kuwento niya.
Ayon kay Alma, hindi siya halos pumapalya sa pagdalaw kay Mark Anthony kapag araw na pinapayagan ang dalaw.
Tiniyak umano niya sa anak na hindi niya ito iiwan at lagi siyang handa
Nang minsan na makita raw ni Alma na napaiyak si Mark Anthony at nag-sorry sa kaniya, pinayuhan daw niya itong maging matatag.
"Nakita ko, umiyak na, 'mama, sorry,'" saad ng aktres sabay bilin umano niya na dapat itong magkatatag at huwag panghinaan ng loob.
"Dapat hindi ka, 'pag nakikita kong pinaghihinaan ka ng loob, mas nate-tense ako, lalo akong nanghihina. Hindi, sabi ko, nandito lang kami, maraming nagmamahal sa 'yo," aniya. -- FRJ, GMA News