Rosanna Roces, maaari umanong kasuhan kung inamin niyang nagdala siya ng babae sa NBP
Nagbabala ang isang kongresista na maaaring makasuhan ang aktres na si Rosanna Roces kung totoo na sa kaniya nanggaling ang pahayag sa social media na nagbubugaw siya ng babae sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa nakaraang pagdinig ng Kamara de Representantes tungkol sa umano'y drug trade sa Bilibid, nabanggit ng isang testigong bilanggo ang pangalan ni Rosanna na kabit umano ng sinasabing drug lord at Chinese inmate na si Vicente "Enteng" Sy.
Ayon sa bilanggong si Nonile Arile, madalas daw magpunta sa kubol ni Sy si Rosanna.
Kasunod nito, sa Facebook account ng isang "Jennifer Cruz Adriano," na tunay na pangalan umano ni Rosanna, isang pahayag ang iponost kung saan itinatanggi ng aktres na kabit siya ni Sy.
Sa halip, inamin sa post na nagdadala lang umano siya ng babae kay Sy sa halagang P25K.
Sa pahabol na post, sinabing nangyari umano iyon tatlong taon na ang nakalilipas.
Gayunman, hindi na basta mabuksan ang naturang account ni "Jennifer Cruz Adriano."
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes ng gabi, sinabing sa kabila ng naturang pahayag sa FB ng pinaniniwalaang si Rosanna, wala umanong plano ang House commitee on justice na ipatawag ang aktres.
Gayunman, nagbabala ang pinuno ng komite na maaaring makasuhan si Rosanna ng human trafficking kung totoong nagdadala siya ng babae sa bilangguan.
"I hope she realizes what she admitted in the social network. Effectively inamin niya na she's involved in human trafficking and she can he indicted for that," ani Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng komite.
Nang tanungin ang kongresista kung gaano kabigat ang kaso ng human trafficking, sinabi ni Umali na, "No bail nga 'yan e."
Ayon sa ulat, sinusubukan pang kunin ang pahayag ng aktres tungkol sa usapin.
Ang isyu tungkol sa pagdadala ng babae sa loob ng Bilibid ay hindi na bago dahil dati rin iniulat ng GMA News noong 2014 ang pag-amin ng isang babae tungkol sa kalakaran ng pagpapasok ng babae sa maximum security compound ng NBP.
Sa naturang ulat, sinabi ng nagpakilalang bugaw na itinago sa pangalang "Sylvia", hindi niya tunay na pangalan, mga bilanggong Chinese ang kadalasan niyang parokyano na dinadalhan niya ng babae.
Nasa 10 porsyento naman daw ng komisyon niya sa bawat bayad sa bawat babae na umaabot sa P15 hanggang P30K, depende daw sa hitsura at edad.
Sa naturang ulat, lumabas din ang larawan ni Rosanna habang kasama umano ang dalawang guwardiya sa NBP noong 2014. -- FRJ, GMA News