Mark Anthony Fernandez, inilipat na ng piitan
Inilipat na ng kulungan ang aktor na si Mark Anthony Fernandez habang dinidinig ang kaniyang kaso sa Pampanga kaugnay sa pagkakaaresto sa kaniya ng mga pulis dahil sa nakuha umanong marijuana sa kaniyang sasakyan.
Umaga nitong Sabado nang ilabas si Mark Anthony sa Station 6 ng Angeles City-Police para ilipat sa District Jail ng nabanggit na bayan, ayon sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV's "Balitanghali."
Ang paglilipat ay ginawa batay na rin sa mosyon na inihain sa korte ng kampo ng aktor dahil sa masikip na umano ang piitan sa Station 6.
Pero sa mosyon ng kampo ni Mark Anthony, nakasaad sa kanilang kahilingan sa korte na sa Provincial Jail siya ilipat.
Ngunit sa commitment order na inilabas ng korte nitong Biyernes ng hapon, iniutos na sa District Jail dalhin ang aktor.
Hindi naman kaagad naipatupad ang paglilipat dahil sa kakulangan ng panahon at inabot na ng dilim.
Bago siya ilipat ng kulungan nitong Sabado ng umaga, dinalaw siya ng inang si Alma Moreno.
Tumangging nang magpa-interview ang aktres pero sinabi naman niyang maayos naman ang lagay ng kaniyang anak.
Ayon sa ulat, bagaman masikip din sa District Jail, may lugar naman na maaaring makapaglakad ang mga bilanggo. -- FRJ, GMA News