Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sabrina M.,  Krista Miller, itinangging drug pusher sila; Sabrina, may payo sa mga artistang nagdodroga


Labis ang pagsisisi ng dating sexy star na si Sabrina M., sa pagkakasangkot niya sa iligal na droga na dahilan ng kaniyang pagkakaaresto. At sa harap ng sunod-sunod pagkakaaresto sa ilang celebrity, nagbigay siya ng mensahe sa mga kapwa-artista na gumagamit din ng ipinagbabawal na gamot.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, pinayuhan ni Sabrina M ang mga kapwa niya artistang nagdodroga na tumigil na sa masamang bisyo at ayusin ang buhay para hindi na matulad sa kanya.

Aminado siya na nasa huli ang pagsisisi at kung maaari lang daw na ibalik ang nakaraan ay hindi niya gagawin ang padodroga.

"Akala ko sa pelikula lang. Napakahirap pala sa totoong buhay," saad ni Sabrina na nakunan pa ng video habang gumagamit ng shabu.

Sa kabila nito, itinanggi ni Sabrina na drug pusher siya.

Sa listahan ng mga artistang nahuli dahil sa droga, pinakahuli ang aktor na si Mark Anthony Fernandez, na nahulihan umano ng isang kilo ng marijuana.

Nauna nang nadakip sa iba't ibang buy bust operation ang celebrity DJ na si Karen Bordador at si Krista Miller.

Itinanggi rin ni Krista na pusher siya na nadakip nitong Lunes sa hiwalay na buy-bust operation.

"Wag mag-judge dahil 'di pa naman tapos ang kuwento, lalabas at lalabas din ang totoo," ayon kay Krista na nagpasalamat sa mga sumusuporta sa kanya.

Kapwa sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, partikular na sa pagbebenta ng iligal na droga sina Aabrina at Krista dahil sila raw mismo ang nag-abot ng shabu sa mga pulis na nagpanggap na buyer sa magkahiwalay na buy-bust operation ng QC police.

Nadakip din at kinasuhan ng possession of illegal drugs ang modelo na si Liaa Alelin Bolla, na nahuli rin sa buy bust operation.

Bukod sa paggamit ng shabu, umamin niyang dati siyang nagbebenta ng ecstasy sa mga kapwa model at dumadalo sa mga party.

Magkakasama sa kulungan sina Sabrina M, Krista at iba pang celebrity na nahuli ng Quezon City dahil sa droga.

Nauna nang sinabi ng QC Police District na malakas ang ebidensya nila laban sa mga nahuli nilang celebrity. -- FRJ, GMA News

Tags: illegaldrugs