Alma Moreno, pinayuhan ang anak na si Winwyn na huwag munang magpakasal
Inihayag ng balik-telebisyon na si Alma Moreno na kung siya ang masusunod, nanaisin niyang maging legally single muna ang anak na si Winwyn Marquez, na kasintahan ngayon ni Mark Herras.
Sa presscon ng bagong Kapuso program na "Tsuperhero" nitong Biyernes, sinabi ni Alma na nais niyang sulitin muna at i-enjoy ng kaniyang anak na si Winwyn ang pagiging dalaga dahil iba umano ang buhay ng may-asawa.
"Enjoy muna (ni Wynwyn) ang buhay at pagkadalaga. Huwag silang magmadali," saad ng actress-turned-politician.
Bagaman hindi muna niya nais na magpakasal ang anak, nilinaw niyang hindi ito nangangahulugan na ayaw niya kay Mark.
Katunayan, hanga si Alma sa pag-aalaga ng aktor sa sarili nitong pamilya.
"Ang una kong napansin (kay Mark), maalaga siya sa pamilya niya," saad ng aktres na inilarawan ang aktor na "mabait na bata."
WATCH: Winwyn Marquez to Mark Herras: 'I will never give up on you'
Nakikita rin daw ni Alma na maganda ang pagtrato ni Mark sa kaniyang anak.
Sa nakaraang mga ulat, inihayag nina Mark at Winwyn na napag-uusapan na nila ang kasal pero hindi pa naman daw ito mangyayari sa madaling panahon.
Katunayan, nagbigay ng hanggang dalawang taon si Mark para makapag-ipon at makapaghanda sakaling mapagkasunduan na nila ng nobya na lumagay sa tahimik. -- FRJ, GMA News