Filtered by: Showbiz
Showbiz

Alma Moreno, balik-telebisyon; pero babalik pa kaya sa pulitika?


Balik-telebisyon ang actress-turned-politician na si Alma Moreno matapos na hindi siya palarin na manalo sa pagka-senador sa nakaraang May elections. 

Bukod sa sakit ng pagkatalo, inamin din ni Alma na nasaktan siya sa mga pambabatikos ilang netizen kaugnay ng nagdaang halalan.

Ngunit sa kabila ng mga nangyari, sinabi ni Alma na susubukan pa rin niyang tumakbo muli sa susunod na eleksyon.

Paliwanag niya, nais niyang ipagpatuloy ang paglilingkod sa mga tao at balak niyang tumakbo bilang kapitan ng barangay.

"Nasa dugo ko na ang pagtulong," aniya sa isang panayam nitong Biyernes sa panglulungsad ng bagong probramang pagbibidahan niya sa GMA Network.

Kasama si Alma sa naging senatorial line-up ng United Nationalist Alliance noong nagdaang eleksyon at naging usap-usapan ang kaniyang mga naging sagot nang lumabas siya sa isang programa sa telebisyon.

Nagkaroon pa ng isang parody account si Alma at inamin niyang nasaktan siya nang mabasa ang laman nito.

"Hindi naman ako ganun ka-bobo," saad ng aktres.

Masaya naman si Alma sa kaniyang pagbabalik sa telebisyon at excited siya sa bagong project na "Tsuperhero" kung saan makakasama niya ang aktor na si Gabby Concepcion.

Gaganap si Alma sa naturang serye bilang ina ng lead actor na si Derrick Monasterio.

 

 

Makakasama rin niya sa "Tsuperhero" sina Bea Binene, Michael V, Migs Cuaderno, Betong Sumayao, Philip Lazaro, Valentin, Annalyn Barro, Jemwell Ventinilla, at Kuhol.-- FRJ, GMA News