Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Sunday Pinasaya' welcomes Gabbi, Ruru, Andre, and other comedians as new hosts


Ipinakilala na nitong nakaraang linggo ang mga bagong host ng Kapuso comedy variety show na "Sunday Pinasaya" kasabay ng pagdiriwang nito ng unang anibersaryo sa telebisyon.

Kabilang sa mga mapapanood linggo-linggo sa programa ang "Encantadia" stars na sina Ruru Madrid, Gabbi Garcia, at Andre Paras, at mga komedyanteng sina Pekto at Gladys Guevarra, at marami pang iba.

"Super happy kasi the people around us, lahat sila masasaya. Pati kami, ang saya namin. Totoong masaya sa 'Sunday Pinasaya,'" kuwento ni Gabbi.

Dagdag naman ni Ruru, "Alam naman natin na number one show ito tuwing Sunday so talagang dati pa naming gustong makapasok dati. Ngayon, kaming dalawa pa ang nakapasok kaya sobrang thankful kami."

Malaki ang pasasalamat ng mga bumubuo ng programa dahil sa pagtangkilik ng mga tao sa panibagong Sunday noontime genre na kanilang sinimulan.

Ayon kay AiAi Delas Alas, isa sa mga orihinal na host ng programa, "We are so blessed na may mga na-hook sa amin kahit papaano. Ibang genre naman kami. Dati, singing and dancing. Sa amin naman, segments na nakakatawa."

"Mga tao naman ngayon, gustong tumawa. Kaya siguro may audience rin kami na na-capture. Happy lang ang Sunday sa amin," dagdag pa niya.

Ano nga ba ang sikreto ng "Sunday Pinasaya" upang patuloy na makapagpaligaya ng mga Kapusong manonood?

Maliban sa walang-pagod na pagtatrabaho ng mga nasa harap at likod ng camera, may iisang sikreto raw ang mga bumubuo ng programa, ayon sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

"Ang laging sinasabi sa amin, pinakaimportante talaga ang pagmamahal namin sa isa't isa at 'yung pagiging concerned namin sa mga katrabaho namin. Malaking factor na nagtutulugan kami, nagkakaisa kami, at nagmamahalan kami," pahayag niya.

Dagdag pa ng Kapuso host-actress, "Kapag ginawa mo ng buong puso ang proyekto na ito, walang ibang bunga ito kundi hitik ito. 'Yung siguro ang sikreto namin: Mahal namin ang isa't isa at sinusuportahan namin ang kakayahan ng bawat isa. -- FRJ, GMA News