Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jose Manalo looks back on first acting award for performance in 'Enteng Kabisote 2'


Ngayong makakasama uli siya sa ikasampung installment ng pelikulang “Enteng Kabisote,” binalikan ng batikang komedyante na si Jose Manalo ang kauna-unahang acting award na nakuha niya para sa kaniyang pagganap sa nasabing movie franchise noong 2005.

Iginawad ng Metro Manila Film Festival ang Best Supporting Actor award kay Jose noong 2005 para sa kaniyang pagganap sa “Enteng Kabisote 2: Okay Ka Fairy Ko...The Legend Continues.”

Aniya, malaking karangalan ang patuloy na mapasama sa mga pelikulang pinangungunahan ni Bossing Vic Sotto.

“Unang award na nakuha ko best supporting actor sa film fest. Kauna-unahang komedyanteng nanalo ng best supporting actor,” kuwento niya sa ginanap na story conference nitong Miyerkules.

Dagdag pa ni Jose, “May production number kami noon [sa awards night] pero hindi nasabi sa amin ng kasama namin na nominado ako. After ng production number, umalis na ako kasi may show ako sa Klownz. May tumatawag sa akin na nanalo raw ako, hindi ko naman pinapansin. Habang nagso-show ako, biglang namatay ang ilaw at dumating si Direk Tony, dala-dala ang trophy ko. Naniwala na ako.”

Aminado ang “Sunday Pinasaya” star at “Eat Bulaga!” host na hindi naging madali ang kaniyang pagganap sa nasabing pelikula, lalo na't hindi pa siya sanay noon nang naka-makeup.

“'Yung karakter ko doon, babae ako. Princess Fiona. Ayoko talagang naka-makeup. Noong ginawa 'yon, talagang mainit, lahat-lahat. Pero may katuturan naman. May napuntahan,” pagbabahagi niya.

 

 


Itinuturing nang panata ni Jose na tuwing Pasko ang magpasaya ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbida sa pelikula, kaya naman umaasa siyang makakabilang ang “Enteng Kabisote 10 and the Abangers” sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.

“Panata na ito tuwing Pasko. 'Yung ibinibigay ni Bossing na saya sa mga bata, hindi puwedeng wala 'yan sa Pasko. Parte na ng buhay ng mga Pilipino 'yan,” aniya.

Inaabangan na rin niya ang muling pagsasama-sama nila nina Wally Bayola at Paolo Ballesteros bilang ang mga Lola ng Kalyeserye.

“Reunion ito. Matagal-tagal na namin hindi nakikita si Paolo. Kaya riot ito. Mas magulo kami kapag magkakasama kaming tatlo. Mas malilikot at mahaharot ang mga lola... Nami-miss na namin si Pao. Hindi lang kami, lahat ng dabarkads,” ani Jose.

Kabilang rin sa mga bibida sa “Enteng Kabisote 10 and the Abangers” sina Epi Quizon, Ken Chan, Bea Binene, Ryza Cenon, Oyo Boy Sotto, Sinon Loresca a.k.a. Rogelia, Cacai Bautista, Alonzo Muhlach, at marami pang iba. -- FRJ, GMA News