After helping Jiro Manio with rehab, what does AiAi think of Duterte's drug campaign?
Masayang ibinalita ng Kapuso host-actress at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas na nasa mabuting kalagayan ang dating child actor at kaniyang anak-anakan na si Jiro Manio.
Ilang taon matapos siyang masangkot sa paggamit ng ilegal na droga, natagpuan ang award-winning actor na palakad-lakad sa isang airport ngayong 2016, at kabilang nga sa mga unang tumulong sa kaniya ang “Sunday Pinasaya” at “Hay Bahay!” star.
Sa ngayon, nasa rehabilitation center si Jiro upang tuluyang mapabuti ang kaniyang kalagayan.
“Nasa malayong lugar si Jiro. Dati nagkaroon pa ng balita na namatay siya. Sa totoo lang, na-stress talaga ako. Akala ko, tumakas, kaya tumawag talaga ako. Okay naman siya,” pagbabahagi ni AiAi sa naganap na press conference nitong Miyerkules.
Nakatakda umanong bumisita ang batikang komedyante sa kaniyang anak-anakan ngayong linggo, bago siya maging abala sa paghahanda para sa kaniyang concert sa Setyembre.
Aniya, “Bibisitahin ko siya within this week kasi pinangakuan ko siya. Okay na okay si Jiro. Sana, ang prayers sa kaniya, maging okay ang pag-iisip niya. 'Yun ang hinihingi ko sa fans na nagmamahal pa rin sa kaniya.”
Ngayong napapabuti na ang kalagayan ni Jiro sa rehabilitation center, marami ang nagsasabing masuwerte ang child actor dahil hindi na siya nadamay sa tinaguriang “drug war” ng administrasyong pinamumunuan ni President Rodrigo Duterte.
Masaya naman si AiAi na tinutupad ng Pangulo ang kaniyang pangako na sugpuin ang mga droga sa bansa.
Ayon sa Comedy Concert Queen, “Bago pa siya nag-run, sinasabi na niyang lilinisin niya ang droga sa Pilipinas. Bilang siya ang nanalo, lahat ng taong bumoto sa kaniya, ine-expect na gagawin niya talaga. Ngayong siya ang nanalo bilang presidente, naniniwala tayo sa kakayahan niya na linisin sa paraang kaya niya.”
“Nakakatuwa kasi kung ano 'yung mga pinangako niya, nakikita na natin. Ilang months pa lang siya nakaupo. Binibigyang-lunas rin ang traffic natin. Happy ako sa mga nangyayari kasi nakikita natin 'yung mga sinabi niya. 'Change is coming,' at talagang ang dami nang change na makikita mo,” dagdag pa niya.
Ayon kay AiAi, siya raw mismo ay ramdam ang epekto ng administrasyon Duterte.
Kuwento niya, “Noong isang araw lang, sa Quezon Avenue, mga 10:30 p.m., wala na masyadong tao. Usually, maraming tao diyan sa gabi. Ngayon, nasa loob na sila. Bawal na yata ang pakalat-kalat na bata. Maganda naman ang mga pangyayari kasi tinutupad niya 'yung mga pinangako niya.”
Sa ngayon, abala ang Kapuso host-actress sa paghahanda para sa kaniyang pagbabalik sa live concert scene bilang bida ng “Ai Meets Lani: Lani May I?” concert, kung saan makakasama niya ang internationally-acclaimed singer at Asia's Nightingale na si Lani Misalucha.
Mapapanood ang nasabing concert sa darating na September 17 sa Kia Theatre, Araneta Center, Cubao, Quezon City. —JST, GMA News