Filtered By: Showbiz
Showbiz

Beteranang 'extra' at 'horror queen' na si Lilia Cuntapay, nangangailangan ng tulong


Humihingi ng tulong para sa kaniyang pagpapagamot ang beteranang bit player o extra at "Horror Queen" sa mga pelikula na si Aling Lilia Cuntapay.

Sa Chika Minute report ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ang panawagan ni Lilia ay para sa mga dati niyang katrabaho at sa maging sa publiko na nais tumulong sa kaniya.

Nitong nakaraang buwan ay hindi na raw makalakad si Aling Lilia dahil sa problema niya sa spinal cord. At dahil sa kalagayan niya ngayon ay hindi na raw siya makababalik sa kaniyang trabaho.

Nasa pangangalaga siya ngayon ng nag-iisa niyang anak sa Pinili, Ilocos Norte.

Umaasa si Aling Lilia na magiging daan ang kanyang panawagan para sa kinakailangan niyang tulong.

Nagmarka sa maraming manonood si Aling Lilia dahil sa mga nakatatakot niyang karakter sa pelikula at maging sa telebisyon bilang aswang, white lady, multo, o mangkukulam.

Kahit mahigit 20 taon na siya sa industriya, nanatili siyang bit player o extra.

Noong 2011, nagwaging Best Actress si Aling Lilia sa isang digital film festival sa pelikulang "Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay." -- FRJ, GMA News