Rosanna Roces, ang 'Pantasya Ng Bayan' ng dekada 90
Noong dekada nobenta, walang ibang bukang-bibig ang mga kalalakihan pagdating sa paborito nilang sexy star sa pelikula kung hindi ang tinuguring "ST Queen" o "Sex Goddess" na si Rosanna Roces.
Sa nakaraang episode ng programang "Tunay Na Buhay," kinapanayam ni Rhea Santos si Rosanna, na kilalang rin sa tawag na "Osang," tungkol sa kaniyang buhay, pato na ang panahon ng kaniyang pagiging reyna ng sexy movies at matapang na talk show host.
Pag-amin ni Rosanna, isa siyang ampon na kinalaunan ay mistulang nagrebelde sa mga magulang na nagpalaki sa kaniya.
"Lagi akong against the rules. Lahat ng bawal 'yon ang gusto ko," aniya.
Sa murang edad, nabuntis si Osang at naging ina sa edad na 16.
Dahil may anak na kailangan niyang buhayin, sumabak siya sa trabaho at naging GRO o guest relation officer, na inilihim niya kaniyang ama.
Nagkaroon ng oportunidad si Osang na makapasok sa showbiz nang mapasama siya sa pelikulang "Machete II" ni Gardo Verzosa.
“Gawa na 'yan (pelikula), buo na. Love scene na lang yung kukunan. Noong kinunan yung love scene, nag-inarte yung babae,” kuwento ni Osang kaya siya nabigyan ng break sa showbiz.
Hindi umano inasahan ni Rosanna na magiging simula iyon ng kaniyang kasikatan.
“Hindi ko lang alam na sisikat ako, ‘yung sa akin lang kumita, that’s it. Wala sa akin yung fame. Basta sa akin, pambili ng bigas, pambili ng gatas and everything,” pahayag niya.
Ayon kay Gardo, walang arte at walang pagbabalatkayo si Rosanna kaya marahil nagustuhan ng mga tao.
Sa sumunod na pelikulang ginawa niya, doon na siya ipinakilala bilang Rosanna Roces at nagsimula na siyang maging pantansya ng kalalakihan hanggang sa bansagang "ST Queen."
Sabi ng showbiz columnist at dating nakatrabaho ni Rosanna na si Butch Francisco, kahit sexy star na ipinakilala noon si Osang, nakita na niya ang potensiyal nito na magiging magaling na artista.
Ilan sa mga nagawang pelikula ni Osang ay nagmarka sa mga manonood at umani ng mga pagkilala. Kabilang dito ang “Curacha, Ang Babaing Walang Pahinga,” “Ms. Kristina Moran, Ang Babaeng Palaban,” Babae Sa Bintana," “Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin,” La Vida Rosa," at marami pang iba.
Ayon kay Rosanna, ang pinaka-memorable sa kaniyang pelikula ay ang "Ligaya," kung saan kasama niya sina John Arcilla, Pen Medina, Chanda Romero, at Armida Siguion-Reyna, at idinirek ni Carlos Siguion-Reyna.
Sinabi pa ni Osang na handa na niyang iwan ang showbiz noong aminin niya sa publiko na may asawa't anak na siya pero nagulat siya nang patuloy na tinangkilik ng mga manonood ang kaniyang mga pelikula.
Wala raw pinagsisihan si Rosanna at proud siya sa kaniyang narating bilang isang sexy actress. -- FRJ, GMA News