Filtered By: Showbiz
Showbiz

Miguel Tanfelix, Bianca Umali thrilled by international attention for music videos


Natutuwa raw ang Kapuso loveteam na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali dahil napapansin maging sa ibang bansa ang mga video na ginagawa nila sa Musical.ly app.

Pag-amin ng dalawa, libangan lamang nila ang paggawa ng mga nasabing videos, kaya ikinagugulat rin nila sa tuwing nagva-viral ito sa social media.

Kuwento ni Miguel sa naganap na Yes! 100 Most Beautiful Stars launch ngayong linggo, “Kapag walang magawa sa bahay, gagawa kami. Kapag matagal kang walang ginagawa, 'yun 'yung puwedeng mag-effort talaga like magpapalit ng damit or make-up.”

“Siyempre, gusto pa naming gumawa ng mas marami,” dagdag pa niya.

Ayon naman sa katambal niyang si Bianca, “Very overwhelming kasi kung iisipin natin, ang Musical.ly is just a simple app ang mahirap mapansin ng taga-ibang bansa since marami rin namang mga taong gumagamit nito.”

Kamakailan lamang, na-feature ang Musical.ly videos ni Miguel sa American television morning show na “Good Morning America.”

 

 

 

Bukod sa pagiging viral rin sa social media, naitampok na rin ang Musical.ly videos ni Bianca sa Canadian YouTube account na Hayds TV.

Ayon sa Kapuso actress, “Kada may feature galing sa ibang bansa, nagugulat talaga kami ni Bianca. Napapatalon kami sa tuwa. Everytime na nafi-feature 'yung videos namin, talagang nakaka-excite.”

 

 

Bukod sa kanilang pagbida sa Kapuso comedy series na “Ismol Family” tuwing Linggo, pinaghahandaan na rin ngayon ng BiGuel loveteam ang pinakabagong Kapuso teleserye na kanilang pagbibidahan.

“Sa ngayon, ayaw muna naming i-spoil kasi we want to surprise them again. Malapit na malapit na,” pagbabahagi ni Bianca. —JST, GMA News