Babaeng aswang o may sakit sa pag-iisip, tampok sa Magpakailanman
Sa Sabado, July 13, tunghayan sa "Magpakailanman" ang nakakikilabot na kuwento ng mag-asawang Johnny at Gloria, na sinubok ang pagsasama dahil sa mga hinala na aswang ang ginang.
Kahit may anak sa pagkadalaga, marami ang nagkakagusto kay Gloria dahil sa angkin niyang ganda. Sa mga manliligaw, si Johnny ang napili at pinagkatiwalaan ni Gloria.
Minahal naman nang labis ni Johnny si Gloria at ang anak nito.
Pero pagkaraan ng ilang buwan, may napansin si Johnny na kakaiba kay Gloria at kumalat na rin ang mga hinala na ito ang aswang na pumapatay sa mga hayop sa kanilang lugar.
Aswang nga kaya si Gloria o may sakit lamang ito sa pag-iisip na nangangailangan ng tulong? Ipaglalaban ba siya ni Johnny o isusumpa?
Samahan si Tita Mel Tiangco sa Sabado sa Magpakailanman at alamin ang kuwento ng buhay nina Johnny at Gloria sa episode na, “Aswang si Misis.”
Itinatampok dito sina Andrea Torres at Benjamin Alves, kasama sina Eva Darren, Tonio Quiazon, Raul Russo, Chinggay Riego, Ana Feleo at Ervic Vijandre.
Sa ilalim ng direksyon ni Carlitos Siguion-Reyna, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto, at pananaliksik nina Karen P. Lustica at Stanley Pabilona. -- FRJ, GMA News