Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jaclyn Jose, umani ng papuri sa special screening ng 'Ma'Rosa'


Sang-ayon ang mga nakapanood sa special screening ng pelikulang "Ma'Rosa" na karapat-dapat ang pagkakapanalo ni Jaclyn Jose ng Best Actress award sa nakaraang Cannes Film Festival dahil sa mahusay niyang pagganap.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing full support ang ilang Kapuso stars at mga kaibigan ni Jaclyn sa ginanap na special screening ng pelikula inihanda ng kanyang management team nitong Lunes.

Dumalo ang anak ni Jaclyn na si Andi Eigenmann na bahagi rin ng pelikula, at ang direktor ng "Ma'Rosa" na si Brillante Mendoza.

Nandoon din sina Andrea Torres, Max Collins, Rochelle Pangilinan, Gabby at Geoff Eigenmann, Sid Lucero, Vivian Velez at GMA SVP for Entertainment Lilybeth Rasonable.

Labis ang pasasalamat ni Jaclyn sa lahat ng nagpakita ng suporta sa naturang pelikula at naunawaan ang mensahe na nais nitong iparating sa mga manonood.

Naniniwala ang mga nakapanood sa pelikula na karapat-dapat si Jaclyn na maging kauna-unahang Southeast Asian winner ng Best Actress award sa Cannes.

Bilib din sila sa husay ng lahat nang kasali sa "Ma'Rosa," na nakatakda raw isali sa iba pang film festival sa abroad. -- FRJ, GMA News

Tags: jaclynjose