Filtered By: Showbiz
Showbiz
#ALDUBMaineCelebration

Maine Mendoza celebrates first anniversary in showbiz


Isang taon mula nang makilala bilang masungit na si "Yaya Dub" ng Eat Bulaga na hindi naririnig ang sariling tinig, nakita ng mga manonood ang pag-usbong ni Maine Mendoza bilang isang celebrity/performer na kayang umarte, magpatawa, sumayaw, kumanta, at maging mahusay na television host.

Photo: Eat Bulaga FB page
Photo: Eat Bulaga Facebook page

 

Nitong Sabado, ipinagdiwang sa "Eat Bulaga" ang first anniversary ni Maine  sa showbiz na ipinakilala sa segment na "Sugod-Bahay/Juan For All, All For One" bilang masungit na si Yaya Dub na hindi naririnig ang sariling tinig .

Nang panahon iyon, nagsisilbing boses ni Maine ang mga kanta o mga naka-record na salita na kaniyang dina-dubsmash, ang talento na una siyang nakilala sa pamamagitan ng social media.

Mula sa pagiging Yaya Dub, nabuo na ang tambalan nila ni Alden Richards na naging daan sa paglikha ng unang kalyeserye sa telebisyon, at pagkakabuo ng phenomenal love team na "AlDub."

Kasabay ng pagsubaybay ng mga manonood kung kailan magkikita nang personal sina Alden at Maine, inabangan din ng mga tao na marinig ang tunay na boses ni Maine.

Ngayon, hindi lang narinig ng publiko na may magandang tinig si Maine kung hindi kaya rin niyang gumawa ng kanta gaya ng nabuong theme song ng unang pelikulang pinagbibidahan nila ni Alden na "Imagine You & Me" na ipalalabas sa mga sinehan sa July 13.

Sa selebrasyon ng kaniyang unang anibersaryo sa showbiz, hindi lang kumanta si Maine kung hindi sinabayan din niya ng pagsayaw. Bukod pa diyan ang pagkanta niya habang ginagawa ang isa pa niyang talento na pagda-drums.

 


Ipinakita rin ang napakaraming produkto na inindorso niya kahit baguhan pa lang siyang maituturing sa showbiz.

Labis ang pasasalamat ni Maine sa mga taong nagbigay sa kaniya ng pagkakataon.

"Ang bilis ng isang taon parang kailan lang nang mag-audition ako [sa Eat Bulaga]. Hindi ko naman akalain na papalarin ako kasi ginawa ko lang maglukot ng mukha saka mag-Sisa-sisa [loka-lokahan]. Sobrang mapalad ako na nandito ako ngayon," ani Maine na inilarawan ang sarili na "batang walang kalatuy-latoy" noon.

Hindi rin naman kinalimutan ni Maine na pasalamatan ang lahat ng mga tagasuporta na patuloy na nagmamahal sa kaniya at sa tambalan nila ni Alden.

"Wala po kami dito kung hindi dahil sa inyo," ani Maine.

Si Alden, may simple pero makahulugang mensahe naman para kay Maine.

"Ang mga tao maraming tawag s'yo—Divina, Yaya Dub, Gara [role ni Maine sa Imagine You & Me]—pero gusto ko lang malaman mo na ikaw lang yung nag-iisang Maine Mendoza sa buhay ko," pahayag ni Alden na sinundan niya ng mariing halik sa noo ng dalaga.


Kaugnay nito, binigyan naman nina Maine at Alden ng mga regalo ang "Tres Lola" na naging bahagi kamakailan ng Sugod-Bahay at binigyan nila ng mga regalo tulad ng flat tv, bag, at premiere tickets para sa "Imagine You & Me" na gagawin sa July 12.  — FRJimenez, GMA News

Tags: aldub, kalyeserye