Vic Sotto at Coney Reyes, present sa panunumpa ng anak nilang konsehal na si Vico
Nanumpa na nitong Huwebes sa kani-kanilang tungkulin ang mga miyembro ng pamilya Sotto na nanalo sa nakaraang halalan sa pangunguna ni reelected Senator Tito Sotto.
Sa "Chika Minute" report ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Bossing Vic na posibleng sumali na siya sa gaganaping Metro Manila Film Festival ngayong taon dahil sa ginawang pag-adjust sa cut-off ng mga isasaling pelikula.
Mula kasi sa dating September cut-off, gagawin na itong October.
"I need two to three months, tapos another month sa post production, kung September hindi ko kakayanin," paliwanag niya.
Nitong Huwebes, dumalo si Vic sa oath taking ng kanyang kapatid na si Senator Tito, na pinamahalaan ni Comelec Commissioner Al Pareno.
Natutuwa ang senador na isa ring kontra sa droga na katulad niya ang mamumuno ngayon sa bansa na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Nanumpa rin sa tungkulin kanina ang iba pang miyembro ng pamilya Sotto na nanalo sa eleksyon. Kinabibilangan ito ng mga anak ni Sen. Tito at Helen Gamboa na sina Lala at Gian na konsehan 6th at 3rd district ng Quezon City.
Ang anak nina Bossing Vic at Coney Reyes na si Vico, nanalo bilang konsehal ng 1st district ng Pasig City.
Nasa pagtitipon din ang asawa ni Vic na si Pauleen Luna, si Ciara Sotto, at si Antonio Tuviera, na president and CEO ng TAPE Incorporated. -- FRJ, GMA News