Filtered by: Showbiz
Showbiz
Nang halos 13 taon

Aktor na si John Regala, inaming nalulong noon sa iligal na droga


Aminado ang aktor na si John Regala na tumagal ng halos labing-tatlong taon ang pagkakalulong niya noon sa paggamit ng iligal na droga. Alamin kung papaano niya napaglaban at tuluyang natalikuran ang masamang bisyo na sumira umano sa kaniyang buhay at career.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, inamin ni John na hindi madali ang kumawala sa iligal na droga pero kakayanin kung talagang gugustuhin.

Kuwento niya, halos labing-tatlong taon daw siyang nalulong dito na nagsimula noong 19-anyos pa lang siya at nasa gitna ng kasikatan bilang artista.

Aniya, "May kanya-kanya tayong sakit na pasan-pasan na hindi natin matanggap. Yung ama ko hindi ako kinilala, problema ko sa ano...so may gusto tayong ilabas na wala tayong mapaglabasan. Then may kaibigan ako na na-hook sa drugs, pati ako, ayon nadamay na."

Dumating daw siya sa sitwasyon na hindi lamang ang kanyang career ang sinira ng droga kung hindi pati na ang kanyang buhay.

Dahil ang paniwala ng iba ay hindi na siya magbabago, lumiit na raw ang tingin sa kaniya ng mga tao at nawalan rin siya ng mga kaibigan.

Taong 2000 nang unti-unti raw siyang magbago nang makilala niya ang Panginoon at sinimulang layuan ang mga taong naghihikayat sa kaniya sa masamang bisyo.

Malaking bagay din daw ang suporta ng kanyang pamilya tulad ng asawa at ina.

Kapag hinahanap daw niya ang iligal na droga, lumalapit daw siya at nagpapatulong sa asawa at sa ina para mapaglabanan ito.

Ayon kay John, kailangang buo ang loob ng tao kung nais talaga nitong magbago dahil hindi biro ang hirap na pagdadaanan para talikuran ang masamang bisyo.

"Binabaluktot ang mga buto mo at wala, 'di ka productive sa buhay, negatibo lahat ng ano mo, wala kang gustong gawin kung hindi matulog, kumain, tapos naglalaway ka," paglalahad niya.

Lahat daw nang ito ay nalampasanan niya kahit hindi madali at ngayon ay labing-anim na taon na raw siyang drug- free.

"Kung pababalik lang sa akin yung sandali na panahon, 'di ko pipiliin mag-drugs," aniya. "Kailangan minsan nadadapa tayo, nasusugatan tayo para matuto tayo." -- FRJ, GMA News