Alamin kung ano ang kinapapanabikang gawin ni Marian Rivera sa 'Encantadia'
Sumalang na sa taping ang "Ynang Reyna" sa inaabangang "Encantadia" na si Marian Rivera. Inihayag din ng Kapuso Primetime Queen kung ano ang kinapapanabikan niyang gagawin sa naturang fantaserye.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing todo-bigay si Marian sa unang araw ng taping niya sa pagbabalik ng "Encantadia" kung saan gagampanan niya ang role ng Ynang Reyna na si Minea.
Ayon kay Marian, na-miss niya ang maging bahagi ng isang series. Pero kahit hindi na siya baguhan sa pag-arte, sinabi ng aktres na may kaba at pangangapa pa rin daw siya sa kanyang bagong proyekto.
"Nakakapanibago siyempre, naka-excite. Sabi ko nga ang laki ng production, ang ganda ng mga damit, pati location so nakaka-excite siya," saad ni Marian.
Kuwento pa niya, mas nagiging espesyal ang bawat taping day dahil madalas niya kasama sa mga eksena ang kaibigang si Ana Feleo.
Bonus pa na kasama niya rin sa "Encantadia" ang mister na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, na huli niyang naka-eksena sa isang serye na apat taon na ang nakalilipas.
"Ang tagal din naming hindi nagkatrabaho [ni Dingdong] tapos parang after 'My Beloved,' ito na yung sunod namin," ani Marian.
Para kay Marian, sobrang blessed at nakaka-proud na maging bahagi ng "Encantadia."
Masusi raw niyang pinag-aaralan ang script. Pero ang pinaka-pinaghahandaan daw ni Marian--ang fight scenes.
"May fight scenes ako. Dito ako na-e-excite sa mga fight scenes ko, isa ito sa mga ginagawa ko kapag may soap ako," masaya niyang kuwento. -- FRJ, GMA News