Filtered By: Showbiz
Showbiz

LJ Moreno talks about adoption, pregnancy woes


Proud parents ngayon ang aktres na si LJ Moreno at ang kaniyang asawa at sikat na basketball player na si Jimmy Alapag ng kanilang dalawang anak na sina Ian Maximus at Keona Skye.

Apat na taon ang hinintay ng mag-asawa bago sila magkaroon ng biological child, at aminado si LJ na nakaramdam rin siya ng pagod at frustration dahil dito.

Gayunpaman, hindi raw sila tumigil sa pagdarasal upang mabiyayaan ng anak.

“Si Jimmy ang supporter talaga. May two times siguro na talagang nag-breakdown na ako. Nakaka-frustrate. He comforts me, tapos prayer lang talaga,” kuwento ng proud mom sa programang "'Yan Ang Morning!" ni Marian Rivera.

Aniya pa, “Since we got married, nagta-try na kami. Pray lang kami nang pray. After 2014 sana, kung wala pa rin, we were considering IVF na sa 2015.”

Iba-ibang problema raw ang kinaharap ng mag-asawa bago sila makabuo ng pamilya, kabilang na ang unang beses na pag-ampon ng isang batang babae, na hindi umano natuloy dahil sa mga komplikasyon.

Dahil dito, malungkot raw ang naging pagtatapos ng taong 2013 para sa kanila.

Ayon kay LJ, “Ako, ever since, open ako sa adoption, pero si Jimmy, ang sabi niya sa akin, 'Let's have our own first and then we'll talk about adoption.' Hindi naman siya close-minded. Bute there was a time, back in 2013, na mayroon kaming baby na naiuwi sa house.”

“Five days lang nasa house pero na-attach na kami, so na-consider namin na i-adopt na. We processed it, pero it didn't work out. It was very heartbreaking,” dagdag pa niya.

'Bahala na si Lord'

Hindi raw natigil sa pagdarasal ang mag-asawa, hanggang sa mai-match na sila sa kanilang panganay na anak.

Kuwento ng proud mom, “ Noong 2014 naman, ang therapy sa akin para maka-move on sa pagkawala ng baby is to go to different shelters. There's one shelter that we always go to, and naging close namin 'yung toddlers doon. And then, we requested na magkaroon ng matching so we can have a baby at the house. Tapos, na-match na kami doon sa son namin.”

Dalawang araw matapos nilang ampunin si Ian, nalaman ni LJ na ipinagbubuntis na niya si Keona.

“We prayed really hard, we've been praying for a baby. Lagi kong sinasabi, iba din mag-work si God. Ang galing lang talaga kasi noong 2013, sobrang lungkot na Christmas, and 2014, sobrang happy kasi He didn't bless us with one but two babies,” aniya.

Pagpapatuloy ni LJ, “Sa tagal naming naghintay, ayokong maniwala. Tatlong pregnancy  test 'yung na-take ko. The first one ay positive. Hindi ako makapaniwala. Nakatatlo ako, pero sa pangatlo, hindi pa rin ako nag-jump for joy. Na-shock kami. Noong nakita namin 'yung heartbeat, doon pa lang ako naniwala na totoo na.”

“The funny thing is, it all happened when I said 'Bahala na si Lord.' Napagod na rin ako kaka-work up,” pagtatapos niya.

Naniniwala raw ang mag-asawa na lahat ng biyayang natanggap nila sa loob ng isang taon ay plano ng Diyos para sa kanilang pamilya.

Mensahe niya sa mga katulad niyang pangarap ang makabuo ng isang masayang pamilya, “Kapag God's time, perfect talaga 'yun. Kahit gaano katagal pa 'yan, basta plano ni God, exact talaga. It will be perfect.” -- FRJ, GMA News