Filtered by: Showbiz
Showbiz

Aiza at Liza sa kahalagahan ng kultura: 'Kung wala nito, sino tayo?'


Kabilang ang mag-asawang Aiza Seguerra at Liza Dino sa mga masugid na tagasuporta ni President-elect Rodrigo Duterte mula sa kampanya hanggang ngayon na nakatakda na itong manumpa bilang susunod na pangulo ng bansa.

Sa administrasyon ni Duterte, nais raw ng mag-asawa na mabigyan ng lubos na atensyon at suporta ang sining at kultura ng bansa.

Anila, “Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng SINING AT KULTURA sa ating pagka-Pilipino. Ang kultura ay ang KALULUWA ng isang bansa. Kung wala nito, SINO TAYO?”

Para sa dalawa, hindi ito nabigyan ng pansin ng nagdaang administrasyon kaya nais nilang makiisa sa mga adbokasiyang nagsusulong sa pagpapayaman ng iba't ibang sining, at pangangalaga sa kultura ng Pilipinas.

Paliwanag nina Aiza at Liza, bukod sa panlaman sa tiyan, kailangan din sa buhay ng tao ang paghubog sa kaalaman at pangangalaga sa pagkakakilanlan.

“Malimit ay napakababaw na ng ating pananaw tungkol sa ating mga sarili bilang Pilipino. And it manifests in the most fundamental situations—Bakit wala tayong pakialam sa mga katutubong Lumad? Bakit imbes na i-preserve natin ang mga historical buildings, ginigiba natin at tinatayuan ng bago?” tanong nila.

Dagdag pa ng mag-asawa, “Sa Arts, bakit hindi natin tinatangkilik ang mga 'indie films" na masasabi nating hitik na hitik sa mga kuwento ng buhay Pilipino. Bakit novelty na lang ang Kundiman songs ngayon at tourist attraction na lang ang ating mga katutubong sayaw?”

 

 

A photo posted by Liza Diño-Seguerra (@lizadino) on

 

Ipinagmamalaki nila na buo ang kanilang suporta kay Duterte dahil bukas ang isip at puso nito sa pagsuporta sa sining at kultura ng bansa.

Isang malaking karangalan umano ang magkaroon ng presidenteng “buo ang nasyonalismo.”

“I am proud to have a president who sees Arts and Culture as a STRONG FORCE. When he reached out to us, hindi namin ito nakita bilang isang pansariling oportunidad. We saw it as an OPPORTUNITY FOR OUR COUNTRY. Our president is taking a step towards CHANGE na hindi lang para sa iilan kundi para sa LAHAT,” ayon pa sa mag-asawa.

Pagtatapos nina Aiza at Liza, “Sama-sama nating ibalik ang ating nawawalang kultura. Ngayon ang panahon para magkaisa...Walang halaga ang kahit anong hakbang tungo sa kaunlaran kung mananatiling itong pansarili lamang.” -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News