Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ken Chan to appear as best friend alongside 'phenomenal stars' in upcoming film


Kabilang sa mga unang project ng Kapuso actor na si Ken Chan matapos siyang mag-renew ng kontrata sa GMA Network nitong Lunes ang isang pelikula na kabibilangan ng dalawang artista na inilarawan niyang "phenomenal stars."

Huling napanood si Ken sa hit Kapuso Afternoon Prime series na "Destiny Rose," kung saan gumanap siya bilang isang transgender woman.

Sa pagkakataong ito, gaganap daw ang aktor bilang best friend ng isa sa mga bida ng pelikula na kaniyang gagawin.

Hindi pa sinasabi ni Ken kung anong pelikula ang kaniyang kabibilangan, pero inihayag nito ang labis na kasiyahan nang malaman na magiging bahagi siya ng nabanggit na proyekto.

"Makakasama ako sa isang bigating movie, talagang aabangan ng lahat. Sobrang tuwang-tuwa ako noong nalaman ko na kasama ako rito," saad ni Ken sa contract signing na ginanap nitong Lunes.

"Hindi na ako nagdalawang-isip. Makakasama ko ang mga phenomenal na artista ngayon, talagang iniidolo ko rin. I feel the importance ng fact na makakasama ko sila," dagdag pa ng Kapuso actor.

Nang tanungin kung anong pelikula ang kaniyang tinutukoy, ang tanging clue na ibinahagi ni Ken ay "Dito sa movie na ito, may forever."

 

 

Ito raw ang unang pagkakataon na makakatrabaho niya ang dalawang tinutukoy niyang phenomenal stars.

Kaiba rin sa mga nakasanayan niyang dramatic performances, magaan raw ang role na bibigyang-buhay niya rito.

"Light lang ang movie, kaya hindi ko masyadong ini-internalize. Pinaghahandaan ko kung paano ko sila pakikisamahan, hindi masyado 'yung role ko. Gusto na natural lang kasi 'yun ang hinihingi ng role," aniya.

"For sure, matutuwa kayo at kikiligin dahil first time gagawin ito, at talagang pinaghandaan ng cast at crew," pagtatapos ni Ken. -- FRJ, GMA News

Tags: kenchan