Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sandro Marcos reacts to comments he looks like Charice Pempengco


Naging sikat sa social media ang anak ni Sen. Bongbong Marcos na si Sandro Marcos nang maging aktibo siya sa pangangampanya para sa kaniyang ama na tumakbo sa pagka-bise president nitong Eleksyon 2016.

Bukod sa galing niya sa pagsasalita sa publiko, marami rin ang humanga sa kagwapuhan umano ng binata.

Sa kabilang banda, mayroon ring mga nagsasabing kahawig niya ang international singing sensation na si Charice Pempengco, na kamakailan lamang ay bumida bilang unang lesbian sa cover ng isang men's lifestyle magazine.

Wala namang problema kay Sandro ang pagkakahawig sa singer, kaya naman siya na mismo ang nagsabi nito kay Charice sa pamamagitan ng isang tweet nitong nakaraang Biyernes.

“@OfficialCharice So apparently we look alike!! Haha respect and more success to you!” mensahe ng binata nang makita ang magazine cover na tampok ang singer.

Sa panayam naman ni Lhar Santiago kay Charice sa “Balitanghali” nitong Lunes, natawa na lamang ang singer sa komento ng netizens tungkol sa pagkakahawig niya kay Sandro at sa aktor na si Daniel Padilla.

“I don't mind. Some think I do look like them. It's fine,” aniya.

Abala ngayon si Charice sa paggawa ng kaniyang bagong album, tampok ang kaniyang original compositions na mayroong iba't ibang genre.

Inamin ng singer sa naunang pahayag na nais niyang ma-reinvent ang kaniyang career matapos ang sandaling pamamahinga mula sa showbiz, kaya naman puspusan ang kaniyang pagtatrabaho ngayong nagbabalik na siya sa industriya. —ALG, GMA News