Filtered by: Showbiz
Showbiz

'A1 Ko Sa'yo' stars proud to be working with Jaclyn Jose


'A1 Ko Sa'yo' stars proud to be working with Jaclyn Jose

Kabilang ang 69th Cannes International Film Festival Best Actress na si Jaclyn Jose sa mga bibida sa upcoming Kapuso sexy comedy series na “A1 Ko Sa'yo.”

Gaganap siya bilang si Digna Molina, isang aspiring beauty queen at talent agency manager na naghahanap ng susunod niyang isasali sa beauty pageant.

Makakasama niya rito sina Gardo Verzosa, Denise Barbacena, Gee Canlas, Mara Alberto, Roi Vinzon, Solenn Heussaff, Sef Cadayona, Benjamin Alves, at Ervic Vijandre.

Kasunod ng pagkapanalo ng batikang aktres sa prestihiyosong international film festival sa France noong nakaraang linggo, labis ang paghanga ng kaniyang co-stars sa bagong programang pagbibidahan niya.

Ayon kay Gardo, na gaganap bilang asawa ng aktres sa sitcom, “Ever since, magmula nang maging magkaibigan kami, alam kong magaling siya. Walang duda doon.”

“Pero ang mas matimbang sa akin, mula noon hanggang ngayon, hindi nagbago ‘yung pagtitinginan namin bilang magkaibigan. Malungkot o masaya, nandiyan kami para sa isa’t isa. ‘Yun pa lang, napakalaking bagay na para sa akin.”

Para naman sa mga batang artistang sina Denise, Gee, at Mara, isang malaking karangalan ang makasama sa mga eksena ang Cannes 2016 Best Actress, kaya naman lalo silang na-inspire na pag-igihan ang kanilang trabaho.

“Hindi pa siya nanalo, kinikilig na ako. Sinasabi ko talaga sa mga kaibigan ko na kinikilig ako noong naka-eksena ko siya. Nakakabigay ng fuel na igihan namin. Winner, eh. Kailangan i-match mo ‘yung skills mo sa kaniya. Hindi lang basta patawa, kundi sa sincerity at craft,” sabi ni Gee.

Paliwanag naman ni Mara, “Masaya ako noong nakatanggap ako rito. Hindi ako makatulog dahil ang mga makakasama ko talaga ay mga batikang artista. Masarap sa feeling. Ngayong nanalo si Miss Jaclyn, lalo akong kinakabahan pero natutuwa rin at the same time. Proud ako na kasama namin siya.”

Bukod sa karangalang makasa si Jaclyn sa isang programa, nasasabik na rin daw si Denise sa mga bagay na maaari niyang matutuhan mula sa batikang aktres at sa iba pang mga aktor na makakasama niya sa “A1 Ko Sa'yo.”

Bibigyang-buhay ni Denise ang karakter ni Kaycee, ang anak ni Digna na nais ring maging isang beauty queen.

Aniya, “Para ma-cast as the daughter of the one and only Jaclyn Jose, iba talaga. Ilang beses kong tinanong sa handler ko, ‘Talagang ako ang napili?’ Bago ako dumating sa set, ilang beses talaga akong nag-practice ng lines.”

“Very excited rin ako na mabigyan ng once-in-a-lifetime chance na makatrabaho si Miss Jaclyn. We celebrate her triumph and victory with her. I’m looking forward sa taping days na makakatrabaho ko siya. Excited akong matuto,” dagdag pa ng aktres.

 

 

Magsisilbing direktor na programa ang batikang aktor, host, at komedyante na si Randy Santiago.

Naniniwala ang pamunuan ng GMA Enterntainment na matutuwa ang mga manonood sa pagbabalik ng sitcom sa primetime.

Ayon kay GMA Senior Vice President for Entertainment TV Lilybeth Rasonable, “The best in sitcoms and comedy come from GMA, and we’re very proud of that. We thought it was high time to do more, kasi marami nang problema ang bansa at kailangan nating mas malibang at maaliw, and ma-maximize ‘yung kakayahan na mayroon ang GMA sa comedy.”

“Mas pumapatok ngayon ang comedies, romantic comedies, even in the drama hours. We’re hoping that we could make this work so we can do more, and change the landscape. That’s another thing that GMA is known for: We just do not rest on whatever is nakasanayan na. We do things differently. We hope it will work so we can do more things differently,” dagdag pa niya.

Mapapanood na ang “A1 Ko Sa'yo” sa GMA Primetime tuwing Huwebes simula ngayong darating na June 2. — APG, GMA News

More Videos