Julie Ann San Jose wants more intimate experience with fans on 10th year anniversary concert
Todo na ang paghahanda ng Asia's Pop Sweetheart at Kapuso artist na si Julie Ann San Jose para sa kaniyang 10th year anniversary concert na pinamagatang “In Control."
Magaganap ito sa May 14, 8:00 p.m., sa Kia Theater, Araneta Center, Cubao, Quezon City.
Pinili raw ni Julie Ann ang mas maliit na venue dahil nais niyang maging mas malapit sa kaniyang mga tagahanga ngayong ipinagdiriwang niya ang ikasampung taon niya sa industriya.
“Iba itong upcoming concert ko dahil mas intimate siya, since ten years na nga ako sa showbiz, mas gusto kong mapalapit sa fans,” pahayag niya sa panayam ng “Unang Hirit.”
“Sa MOA (Arena) kasi sobrang laki, nakaka-overwhelm,” dagdag pa niya patungkol sa kaniyang naunang concert na “Hologram,” na ginawa sa Mall of Asia Arena noong 2014.
Dagdag ng “Pepito Manaloto” actress, isang paraan ang darating niyang concert upang magpasalamat sa kaniyang mga tagahanga at supporters simula nang maging miyembro siya ng youth-oriented singing group na “SugarPop.”
Kabilang sa special guests niya ang mga naging bahagi ng kaniyang showbiz journey, pati na ang ilan sa kaniyang mga idolo.
“Masaya ako at sana ay mabigyan ko pa rin ng kasiyahan ang mga tao. Marami pa rin akong gustong gawin at i-explore, i-innovate. Isang way itong concert na ito para maipakita 'yung capabilities ko,” aniya sa naunang panayam. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News