Filtered By: Showbiz
Showbiz

Janine Gutierrez admits feeling pressure of being from a family of actors


Natutuwa si Janine Gutierrez sa pagkakahawig niya sa kaniyang "Mamita" na si Pilita Corrales, pero inamin ng aktres na hindi parating madali ang magkaroon ng mga sikat na kamag-anak na artista.

WATCH: Janine Gutierrez, batang bersyon ng kaniyang Mamita Pilita

"May pressure din na kamag-anak mo sila," sabi ng dalaga sa isang press conference noong Huwebes para sa bago nitong teleserye na "Once Again."

Bukod kay Aljur Abrenica, kasama rin niya sa programa ang kaniyang lolo na si Christopher De Leon.

Si Janine ay anak nina Ramon Christopher  Gutierrez at Lotlot de Leon.

Ilan pa sa kaniyang mga sikat na kaanak ay ang kanilang lola na si Nora Aunor at isa pang lolo na si Eddie Gutierrez.

Natutuwa si Janine na pinili talaga ng kaniyang lolo ang proyekto para magkatrabaho na sila.

Nais din ng aktres na sana ay magkasama pa sila sa ibang palabas dahil hinahangaan niya talaga ang kaniyang lolo Boyet.

Gayunpaman, kinakabahan pa rin si Janine, dahil inaasahan niyang marami ang maaaring pumuna sa kaniyang pag-arte .

Dahil sa nanggaling sa angkan ng mga artista na mahusay sa kanilang trabaho, sinabi ni Janine na hindi maiwasan na magkaroon din ng expectation ang iba na mahusay din siya sa pag-arte.

Pero isinasantabi na lamang daw niya ang mga ganitong expectation at sa halip ay pinagbubutihan na lang niya ang kaniyang trabaho. -- FRJ, GMA News