Filtered By: Showbiz
Showbiz

Regine Velasquez shares how she handles bashers


Malaki ang pasasalamat ni Asia's Songbird Regine Velasquez sa mga tumangkilik sa pilot week ng GMA comedy series na "Poor Señorita."

Sa Chika Minute report ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Regine na hindi niya inasahan na muling tatangkilikin ng mga manonood ang kanyang pagpapatawa sa pagbabalik niya sa telebisyon.

Kuwento ni Regine, masaya at nagtatawanan sila sa taping kaya makikita rin ito sa mga eksena.

Nang makapanayam ang singer-actress, simple lang at wala siyang make-up dahil kinukunan na nila ang mga eksenang naghirap na ang kanyang karakter mula sa pagiging mayaman.

Samantala, inamin ni Regine na nakarating na sa kaniya ang ilang negatibong puna ng mga basher.

Pero para sa kaniya, hindi raw dapat awayin ang mga ito sa halip ay dapat paliwanagan.

Kadalasan daw kasi ay mali ang impormasyon na nakukuha ng mga namba-bash sa kaniya kaya itinatama lang niya ang mga ito.

Kaya naman hindi raw siya nakikipag-away sa mga basher at hinikayat niya ang mga ito na maging instrumento na makapagpapasaya sa iba.

Worship concert

Kaugnay nito, excited naman si Regine sa kanilang Reborn 1 Walker Worship concert sa Linggo sa MOA Arena.

Makakasama niya rito ang asawang si Ogie Alcasid, kaibigang si Jaya at marami pang iba.

Espesyal naman nilang panauhin sina Sarah Geronimo, Angeline Quinto at si Pambansang Bae Alden Richards. -- FRJ, GMA News