Mga kabataan, hinikayat ni Dingdong Dantes na makialam sa isyu ng climate change
Ikinuwento ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ang tagumpay ng isa sa mga adbokasiya niyang #NowPHcampaign.
Sa huling araw ng climate reality training na pinangunahan ni Nobel Laureate at former US Vice President Al Gore, sinabi ni Dingdong na malaki ang naging papel ng mahigit tatlong milyong lagda at pledges of commitment na nalikom ng kanilang kampanya para mapalaganap ang kaalaman tungkol sa climate change.
Hinikayat din ni Dingdong, nanunungkulan din bilang commissioner ng National Youth Commission, ang mamamayan lalo na ang mga kabataan na kumilos tungkol sa climate change.
Malaki raw kasi ang epekto nito sa kalikasan at kinabukasan ng susunod na henerasyon, kasama na ang anak ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera na si baby Zia.
Ayon pa sa aktor, patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga paaralan at komunidad para mapalawak pa lalo ang kalaman ng publiko tungkol sa climate change. -- FRJ, GMA News