Filtered By: Showbiz
Showbiz

Award-winning comedian Michael V. shares five secrets to success

 


 


Tinitingala ngayon ng maraming komedyante sa Pilipinas ang “Lip Sync Battle Philippines” host at “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto” star na si Michael V. dahil sa patuloy niyang pamamayagpag bilang isa sa pinakamagagaling na comedian sa industriya.

Kabilang si Bitoy sa mga nagtaguyod ng longest-running  Philippine comedy sketch gag show na “Bubble Gang” sa loob ng dalawampung taon nitong pag-ere sa telebisyon.

Sa kaniyang book signing ng “I Am Bubble Gang: The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles,” ibinahagi ng Kapuso comedian ang mga itinuturing niyang sikreto sa tagumpay.

Unang-una raw sa kaniyang listahan ang pagiging unique.

Paliwanag niya, “You have to aim to be unique. Wala nang original ngayon. Lahat ng gagawin mo, lahat ng ideas, is based or inspired by something. So ang aim mo lagi ay makagawa ng something na hindi pa nagagawa before. Alam kong mahirap, pero if you have that drive na gawin 'yun, gawin mo.”

Importante rin daw sa pag-abot ng pangarap ang pagiging professional. Ugaliin ang pagiging maagap at iwasan ang pagiging late.

Siguruhin rin na handa ka sa pagharap sa trabaho upang magampanan mo nang maayos ang iyong mga responsibilidad.

"Kapag sinabing ganitong oras, dapat nandoon ka ng ganitong oras o earlier. Isa sa mga kinaiinisan talaga ng mga tao sa industriya 'yung laging late,” aniya.

Dagdag pa ni Bitoy, “And be professional. Kung dumating ka on time pero hindi ka naman handa, wala rin. Dapat alam mo kung anong gagawin mo. Kung hindi man, dahil may mga pagkakataong wala pa talagang ready na materyal at doon lang sasabihin sa'yo, ask questions.”

Mahalaga raw ang pagtatanong upang maiwasan ang pagkakamali at pagsasayang ng oras.

Sa mga pagkakataong hindi masasagot ng research o pananaliksik ang iyong katanungan, nariyan ang mga nakatatanda na maaaring magbahagi ng kanilang mga karanasan at mga natutunan sa loob ng maraming taon.

“Magtanong ka. Kung hindi mo masasagot by yourself through Google, tanong mo sa mga nakakaalam kung anong gagawin mo. Chances are mas magagawa mo ng tama kung ano ang nire-require from you, and more,” payo ng batikang komedyante.

Panghuli at isa raw sa pinakaimportanteng paalala na maibibigay niya: Mahalin mo ang iyong tungkulin.

Paliwanag niya, “You should love your career. Being in show business, this is what I love to do. Ayokong hatiin 'yung sarili ko into someone na nagma-manage ng restaurant o nagne-networking. Gusto kong maging magaling sa field na napili ko, kaya ibubuhos ko lahat ng oras ko, energy ko sa pagiging comedian.”

Abala ngayon si Michael V. sa pagbida niya sa “Bubble Gang” at sa award-winning live situational comedy na “Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento.”

Isa rin si Bitoy sa mga host ng Philippine franchise ng musical reality competition television series na “Lip Sync Battle,” kasama ang “24 Oras” anchor at “Taste Buddies” host na si Iya Villania. — APG, GMA News

Tags: michaelv