Jeyrick 'Carrot Man' Sigmaton, hindi alam na sikat na siya sa social media
Hindi raw naging madali sa team ng programang Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) ang paghanap kay Jeyrick Sigmaton a.k.a Carrot Man ng Cordillera, na sumisikat ngayon sa social media dahil sa kaniyang kasipagan at pagkakahawig sa ilang artista.
LOOK: Jeyrick 'Carrot Man' Sigmaton and his celebrity look-a-likes
Sa Facebook post ng KMJS, sinabing nakita nila si Jeyrick noong Miyerkules matapos ang magdamag na pag-contact at paghahanap.
Kuwento umano ni Jeyrick, kagagaling lang niya sa malayong bukirin at nag-ani ng gulay nang sandaling iyon.
Matapos ang magdamagang pagcontact at paghahagilap sa kanya, Miyerkules ng umaga, natunton na ng aming team si Jeyrick...
Posted by Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) on Thursday, February 25, 2016
Hindi rin pala alam ni Jeyrick na sikat na sikat siya sa social media dahil mahina ang signal ng komunikasyon sa kanilang lugar. Kaya nagulat daw ito nang ipaalam sa kaniya ng KMJS na nagba-viral na ang kaniyang litrato.
Sa Linggo, abangan ang kuwento ng buhay ni Jeyrick at nais din daw niyang ibahagi sa publiko ang pamumuhay at kultura nilang mga Igorot. -- FRJ, GMA News