Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mike Enriquez signs news deal with GMA Network  


 
Muling pumirma ng kontrata bilang isang Kapuso ang batikang mamamahayag na si Mike Enriquez noong Miyerkules, Pebrero 24. 
 
Aniya, patuloy ang kaniyang pagtupad sa layuning magbalita nang walang kinikilingan at walang pinoprotektahan.
 
“Tuwing ganitong renewal ng contract, nakakatuwang okasyon ito para sa akin at sa network. Nagpapakita lamang ito ng pagtitiwala sa akin ng network. Hamon rin ito na huwag basagin ang tiwala nila, at maging totoo sa sinasabi nating pagbabalita nang walang kinikilingan at walang pinoprotektahan,” aniya.
 
Bukod sa pagiging isa sa pinakapinagkakatiwalaang tagapaghatid na balita sa bansa, kamakailan lamang ay nagsilbing ring host at moderator ang award-winning journalist sa kauna-unahang PiliPinas Debates 2016 sa Cagayan de Oro City.
 
Bilang isang Kapuso, ipinagmamalaki raw ni Mike ang pangunguna ng GMA Network sa makasaysayang pangyayaring ito,
 
Ayon sa “24 Oras” anchor, “The mere fact that it was held is a milestone in itself. You can't please everyone and everybody has mixed opinions, which is very good. We're talking about debates, not fistfights or slogans.”
 
“Democracy is alive and well and things can only get better. We, at GMA, should be proud that it started with us and our partners,” dagdag pa niya.
 
Masaya naman ang mga tagapangasiwa ng GMA Network sa ipinamamalas na katapatan ng batikang mamamahayag.
 
Ayon kay Atty. Felipe L. Gozon, Chairman at CEO ng GMA Network, “Hindi pa ako pumapasok dito, institusyon na ng pagbabalita si Mike dito sa GMA. Sa madaling salita, si Mike ang embodiment ng ating news. Hindi matatawaran ang loyalty ni Mike.”
 
“Hindi naman sa hindi pinapakawalan, hindi lang nagkakahiwa-hiwalay. Nariyan 'yung pagtitiwala, pagtatanaw ng pinagsamahan, at pagnanais na pahabain pa lalo ang pagsasama. Nagpapasalamat kami kay Mike na patuloy ang kaniyang pagtitiwala,” pahayag naman ni Gilberto R. Duavit, Sr., President at COO ng GMA Network. — APG, GMA News