Willie Revillame plans to take WowoWin to provinces, abroad
Labis ang pasasalamat ng batikang host at aktor na si Willie Revillame sa pagsuporta at pagmamahal ng mga manonood sa kaniyang Kapuso game show na “WowoWin,” na mapapanood na ngayon araw-araw bago ang “24 Oras.”
Sa panayam ni Lhar Santiago, sinabi ni Willie na bukod sa mataas na ratings na nakukuha ng programa, masaya rin siya sa mas mahabang oras ng pagpapasaya at pamimigay ng papremyo.
Aniya, “Mas marami kaming magagawang games, mas maraming mapapasaya at matutulungan. Importante talaga na nakakapagpasaya ka na, nakakatulong ka pa.”
Kabilang sa mga bagong segment ng “WowoWin” ang mga palaro para sa matatanda at mga nanay, kung saan talaga namang madaling manalo ng papremyong salapi.
Nariyan din ang paborito ng mga manonood na “Willie of Fortune,” kung saan nakakapagpakita ng talento at nakapagbabahagi ng kanilang kuwento ang mga contestant bago sumabak sa laro.
Bilang bahagi ng patuloy na pamamayagpag ng programa, plano raw ni Willie na dalhin ito sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas at maging sa ibang bansa.
“This year, hopefully, may Cebu. May Dubai rin, o Davao, and Hongkong,” ayon sa batikang host. —Bianca Rose Dabu/ALG, GMA News